‘Tinulugan’ ang trabaho – solon NOYNOY DAPAT MANAGOT SA MARIKINA FLOODING

WALANG ibang sinisisi ng isang mambabatas sa Kamara sa nangyaring pagbaha sa Marikina City nang manalasa ang Bagyong Ulysses kundi si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III dahil ibinasura nito ang heavy dredging project ng Arroyo administration sa Laguna de Bay.

Sa kanyang interpelasyon kay Marikina Rep. Stella Quimbo, sinopla ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza ang kapartido ni Aquino sa Liberal Party (LP) matapos nitong hindi tumbukin sa kanyang privilege speech ang pangunahing dahilan kung bakit naulit ang matinding pagbaha sa Marikina City matapos ang 11 taon.

Ayon kay Atienza, hindi na nakapagtataka na muling lumubog ang Marikina matapos ang bagyong Ondoy noong 2009 dahil kinansela ni Aquino ang heavy dredging projects sa Laguna de Bay pag-upo nito noong 2010.

“Ang gobyerno ay mayroon na pong paraan upang mabawasan ang problema ng Marikina and surrounding areas kasama na po ang lungsod ng Maynila kung ang Laguna de Bay ay nagkaroon ng heavy dredging during the time of  President Aquino,” ani Atienza.

Magugunita na kinontrata ng Arroyo administration ang isang Belgian Company para hukayin at palalimin ang Laguna de Bay subalit dahil umano sa pulitika ay hindi itinuloy ni Aquino ang nasabing proyekto.

Dahil dito, idinemanda aniya ng Belgian government ang gobyerno ng Pilipinas sa International Center for the Settlement of Investment Disputes (ICSID) ng World Bank (WB).

“Of course talo tayo, bayad tuloy tayo,” ani Atienza na ang tinutukoy ay ang kautusan ng ICSID sa Pilipinas na bayaran ng P800 million ang  Baagerwerken Decloedt En Zoon (BDZ) dahil sa hindi itinuloy na kontrata.

Ayon kay Atienza, kaya nabuo ang nasabing proyekto ay upang mapalalim ang Lagua de Bay na nagsisilbing catch basin ng tubig ulan mula sa Metro Manila lalo na sa Marikina.

“Kung hindi po alam ng marami, ang Laguna de Bay ngayon ay puno na po ng burak, putik. Mababaw na po sa maraming area. Sa gitna po ng Laguna de Bay puwede na po kayong lumakad dahil ang tubig dyan ay hanggang hita na lang,” ani Atienza.

“Pag-upo po ni Noynoy Aquino, ako po ay nasaktan, ako po ang nainsulto sapagkat itinapon lamang ang plano. Hindi ginawa ni President Aquino ang trabaho nya. President Aquino should be made to answer. Why you did not implement the heavy dredging of Laguna de Bay,” ayon pa kay Atienza.

NIA HUGAS-KAMAY

Samantala, hugas-kamay ang pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) sa malawakang pagbaha sa Isabela at Cagayan matapos manalasa ang bagyong Ulysses noong Nobyembre 5 hanggang 7.

Sa pagharap ni NIA Administrator ret. Gen. Ricardo Visaya, mariin nitong itinanggi na ang pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam ang pangunahing dahilan ng pagbaha sa Cagayan valley.
“Nire-regulate po yan. Hindi ibig sabihin na during that time, biglang nag-release. Mali po yun. Hindi po nila alam… Basta na lang kasi salita nang salita,” pahayag ni Visaya sa joint hearing ng House committee on agriculture at Special Commitee on North Luzon Quadrangle.

Ayon sa opisyal, hindi dapat sisihin ang Magat Dam sa pagbaha sa Cagayan Valley dahil mas marami umanong tubig ang pinakawalan ng mga ito sa mga nagdaang bagyo kaysa sa panahon ng pananalasa ni ‘Ulysses’.

Ipinaliwanag nito na kumpara sa pinakawalang tubig ng Magat Dam noong Mayo 2009 sa kasagsagan ng bagyong Emong na umaabot 8,068 cubic meters per second (cms), umabot  lamang sa 6,706 cms ang pinakawalan noong Bagong Ulysses.

Naniniwala si Visaya na kung ipinatupad lamang nang husto ang anti-illegal logging at anti-ilegal mining ay posibleng hindi mangyayari ang nasabing pagbaha sa mga nabanggit na probinsya.
Inayunan naman ito ni Maria Rosario Mamba-Villaflor, chief of staff ni Cagayan Gov. Manuel Mamba subalit malaki rin umano ang kontribusyon ng pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.
Ayon kay Mamba-Villaflor, hindi direktang tinamaan ang Cagayan sa huling 7 bagyo kasama na si Ulysses subalit ang lalawigan ang pinaka-apektado dahil sa matinding pagbaha. (BERNARD TAGUINOD)

186

Related posts

Leave a Comment