“WE learn the value of the voice of children when they are silenced,” pahayag ni PNP-Zambales Provincial Director, P/Col. Romano V. Cardiño, self-confessed advocate ng karapatan ng mga bata, makaraang madakip ang isang suspek sa kasong act of lasciviousness.
Kinilala ni P/Col. Cardiño ang suspek na si Lemuel Tamayo y Obedoza ng Brgy. Pagatpat, Sta. Cruz, Zambales.
Noong Miyerkoles, Hunyo16, dakong 10:00 ng umaga, ang PNP Zambales team, sa pangunguna ni P/Capt. Richard E. Asis, assistant chief of police, kasama ang mga operatiba ng S2-Zambales PPO, ay nagsagawa ng intelligence operation upang matunton ang suspek.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Maribel F. Mariano-Beltran, presideng judge ng RTC Branch 13, 3rd Judicial Region, Iba, Zambales, ay nadakip si Tamayo.
Ang korte ay nagrekomenda ng P180,000 halaga ng pyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.
Ayon sa korte, si Tamayo ay suspek sa pagmolestiya sa isang 11-anyos na batang babae noong Pebrero 28, 2020.
Napag-alaman, inamin ng biktima na nagpamasahe sa kanya ang suspek na kaibigan ng kanilang pamilya. Ngunit habang minamasahe niya ang suspek ay minolestiya umano siya nito.
Nang mabatid ng mga magulang ang insidente ay agad kinasuhan ang suspek ngunit nagtago si Tamayo ng halos isang taon hanggang sa madakip ng mga tauhan ni Col. Cardiño.
196
