TRAHEDYA NG SUGAL SA PILIPINAS

KAPE AT BRANDY SONNY T. MALLARI

GRABE na ang pagkatalamak ng sugal sa ating bansa, ilegal man o hindi. Dati ay kuntento na sa lingguhang sweepstakes, jueteng na tatlong beses ang bola sa isang araw at sabong kada Linggo at piyesta opisyal bukod pa ang tupada sa mga sulok-sulok ng kumunidad.

Pumasok ang Small Town Lottery (STL) sa ilalim ng ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil inalis na ang jueteng. Pareho rin naman sila sa lawak ng operasyon sa apat na sulok ng bansa. Bagama’t may STL na, sinasabotahe naman ito ng mga ilegal na “bookies” na ginagamit ang bola ng STL pero sila ang operator.

Hindi pa kuntento ang gobyerno, sinimulan din ng PCSO ang lotto. Dalawang bola araw-araw maliban kung Martes na tatlo. May mga kasabay pa itong number games. At kung hindi pa kuntento ang sugarol, puwede pang umiskor sa lotto outlets ng mga tiket na kikiskisin lang kung panalo o minalas.

Bukod pa rito ang mga casino na paboritong sugalan ng mayayaman.

Sa kabila ng paglaganap ng iba’t ibang klase ng sugal, hindi nawawala ang tradisyunal na cara y cruz, dais, madyong, color games kapag piyestahan o kahit sa lamayan ng patay. Patuloy pa rin ang pagkahumaling sa pusoy, bakrat at iba pang sugal sa pamamagitan ng baraha.

Nagkaroon din ng online sabong na kahit wala ka sa mismong sabungan ay makatataya ka rin online dahil mapapanood mo sa internet livestream ang sagupaan ng magkalabang manok.

At kapag minalas-malas pa ang sugarol, pati ang kanyang buhay ay kinakabig din katulad ng kapalaran ng nawawalang mga sabungero na batay sa rebelasyon ng isang kasangkot ay pinahirapan muna bago pinatay at pagkatapos ay inihulog ang kanilang bangkay sa Taal Lake sa lalawigan ng Batangas. Ang dahilan – nanibirit sa laban. Tumaya sa kalaban dahil dinoktor ang sariling manok para matalo.

Ngunit sa klase ng mga sugal ngayon, lubos na nakababahala ang talamak na online gambling na basta na lang sumulpot. Batay sa pananaliksik, 1 sa bawat 4 na Pinoy ay nakikipagsapalaran sa online gambling.

Makatataya ang sinoman, kahit batang uhugin. Basta’t may hawak na cellphone at may perang pantaya mula sa “cash transaction apps” katulad ng G-cash.

Bente kuwatro oras ang online gambling. Tinalo pa ang jueteng at lotto. Wan-to-sawa basta’t may perang pantaya. Kaya naman marami ang naaadik. Ang resulta – marami rin ang naghihirap. Pati ang pambayad sa tuition ng estudyante ay nalalaspag. Ang pambili ng pagkain, pambayad sa kuryente, tubig at ibang bayarin ang napapataya na rin at nawawala dahil natalo.

At katulad ng anomang sugal, iisa lang ang katapusan nito – ang pagkaubos ng pera ng sinomang magsusugal. Wala akong nakilala na yumaman dahil sa kanyang pagsusugal.

At mas matindi ang haplit nito sa pamilya ng sugarol. Naghihiwalay ang mag-asawa dahil hindi masawata ang isa sa pagsusugal. Mas lalong malintik ang epekto sa mga anak kung ang nanay at tatay ay parehong adik sa pagsusugal.

Ito ang ikinababahala ngayon ng Simbahang Katoliko.

Sa pahayag kamakailan ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, sinabi niya: “Wala na yatang mas titindi pang kabaliwan kaysa sa ahensya ng gobyerno na kunwaring nababahala sa ilegal na offshore gambling, samantalang ginawa namang legal ang online gambling dito mismo sa bayan natin — kumpleto, todo-todo, walanghiya. Bukas sa lahat, sa bata o matanda, 24 oras kada araw, pitong araw kada linggo.”

Binatikos din ni Cardinal David ang mga nag-eendorso ng online gambling at binansagan ang mga ito bilang “pushers” na kahalintulad ng sinomang nagbebenta ng shabu, marijuana at iba pang ilegal na gamot.

At dahil laman ng mga balita ang tungkol sa sugal, natural na awtomatik na papasok sa eksena ang mga paepal na opisyal ng gobyerno lalo na ang mga politiko. Kanya-kanyang panukala ng mga batas at iba’t ibang regulasyon upang kung hindi man man mapahinto ang sugal sa bansa (imposible naman ito), ay mabawasan man lang ang pagkatalamak nito na bumibiktima sa maraming Pilipino. Nakikinig daw naman si PBBM sa mga panukala.

Opps! Paano ang kanyang gagawin? Tumatabo ang pamahalaan ng sangkatutak na perang buwis sa mga legal na sugal. ‘Yung namang mga ilegal na sugal ay pinagkakakitaan ng “tongpats” ng mga korap na tauhan ng estado.

Abangan natin ang susunod na mga kabanata.

##########

Hindi naman ako ipokrito. Regular akong mananaya sa PCSO lotto. May mga nagsasabing niloloko lang ng PCSO ang mga mananaya sa lotto. Napatunayan na ba? Kaya sige lang ako. Nag-aalpas ako ng P20 hanggang P60 na pantaya. Ito na lang ang bisyo ko. Hindi na kasi ako nagsisigarilyo at umiinom ng alak, kahit na bula ng beer.

At nananalangin akong tumama bagama’t parang suntok ito sa buwan. Na hindi naman totoong imposible dahil may mga tumatama rin at nagiging milyonaryo.

Natutuwa lang akong mangarap na baka bukas ay milyonaryo na rin ako kasabay ng pag-iilusyon kung paano ako liligaya o magbibigay saya sa iba kung tumama na ako sa lotto. Ito ang binabayaran ko sa bawat pagtaya.

Sa madaling sabi, naglilibang at nagsasaya ako kapalit ng ilang piso na hindi ko naman hinahangad na mabawi. Iniisip ko na lang na nakatulong ako sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng mga programa ng PCSO.

At sapat na sa akin ‘yung masaya akong natutulog sa gabi dahil nakakapangarap akong milyonaryo na ako kinabukasan. Hindi kasi pwedeng mag-ilusyon na maging milyonaryo kung walang taya, hindi ba? Para kang tanga!

Pero ‘yung ubusin ko ang pera sa bulsa sa pagsusugal? Isang malakas na sapok ni Kumander ang tatama sa akin.

##########

Hindi naman nakapagtataka kung lahi ng mga sugarol ang mga Pilipino.

Likas na yata ito sa atin. Kahit nga ang mahalagang eleksyon upang pumili tayo ng mga mamumuno sa ating pamahalaan ay utak sugarol din ang namamayani sa kukute natin.

Ang unang kuwalipikasyon na tinitingnan ng marami ay hindi ‘yung katapatan, talino at kaalaman ng kandidato. Ang numero unong katangian na sinisipat ay kailangang sikat ang kandidato para llamado upang manalo – sayang daw kasi ang boto kapag natalo – kesehodang bobo ito. Meron nito sa Senado.

Ngayon, kayo na ang magsabi – ano ang sitwasyon ng ating bansa? At kung ihahambing naman natin sa baraha ang kalidad ng karamihang ibinotong opisyales ng pamahalaan, iisa lang ang deskripsyon – palaging butata.

Talo si Mang Juan at Aleng Angge.

14

Related posts

Leave a Comment