NGAYON pa lang, gigil na si dating Senador Antonio Trillanes para sa 2028 presidential elections at nais nang simulan ang kampanya ni Senadora Risa Hontiveros bilang pangulo.
Una nang inendorso ni Trillanes si Hontiveros bilang pambato ng oposisyon para ipantapat kay Vice President Sara Duterte sa darating na presidential race.
Para kay Trillanes, dapat umpisahan na ang pagpaplano at paghahanda ng oposisyon para sa darating na halalan.
Binanatan na naman ni Trillanes si dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo. Huwag na raw hintayin ang desisyon ni Robredo kung tatakbo ba ito o hindi bilang pangulo sa 2028.
Iginiit pa niya na matagal nang kumikilos ang makinarya ni Vice President Duterte para sa 2028 habang ang oposisyon ay napag-iiwanan pagdating sa pagkilos.
Sumang-ayon naman si Atty. Dino de Leon, spokesperson ni ML Partylist Rep. Leila de Lima, sa pananaw ni Trillanes.
“Wag tayong sa last minute na naman mag-oorganisa at maghahanda. Para naman tayong hindi na natuto nyan,” wika ni de Leon.
Sa kanyang huling dalawang pagkandidato noong 2022 at 2025, natalo si Trillanes sa pagkasenador at mayor ng Caloocan, ayon sa pagkakasunod.
Natalo rin ang Magdalo Partylist ni Trillanes sa karera sa partylist noong 2022 at 2025.
Inangkin naman ni Hontiveros ang pagkapanalo sa pagkasenador nina Kiko Pangilinan at Bam Aquino sa nakaraang eleksyon.
243 