NGAYON pa lamang ay nagbabala na sa publiko ang National Disaster Risk Reduction Management Council at state weather bureau na maging handa dahil posible umanong maging isang Tropical Storm ang Bagyong Florita.
Kasalukuyang binabantayan ng PAGASA ang Low pressure Area (LPA) na inaasahang magiging ganap na bagyo at maaaring umabot sa tropical storm category sa susunod na dalawang araw.
Ayon sa PAGASA, base sa kanilang Tropical Cyclone Bulletin no. 1, wala pang nakataas na tropical cyclone wind signal.
Kahapon ay hindi pa ganap na naramdaman ang epekto ng Tropical Depression Florita sa alinmang parte ng bansa, ayon sa PAGASA.
Subalit ngayon Lunes ay maaari anilang magsimulang maranasan ang mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay mabigat na pag-ulan sa eastern sections ng Northern at Central Luzon.
Ayon sa PAGASA, maaaring bumagal ang pagkilos ng bagyo sa direksyong Timog-Kanluran sa susunod na 12 oras.
Base pa sa forecast track, posibleng mag-landfall ang bagyo sa bisinidad ng Cagayan o northern portion ng Isabela sa Martes ng umaga o hapon, Agosto 23.
Kaya pinaghahanda ng PAGASA ang publiko at disaster risk reduction and management offices sa posibleng idulot ng pananalasa ng sama ng panahon. (JESSE KABEL)
