TIMBOG sa pinagsanib na operasyon ng Makati City Police at Northern Police District (NPD) sa Barangay Bel-air sa lungsod ng Makati ang dalawa katao kabilang ang isang Tsinong pinaniniwalaang lider ng isang gun running syndicate.
Dakong alas-4:10 ng hapon noong Sabado sa isang parking area ng Salcedo Village, inilunsad ng mga operatiba ng NPD Special Operations Unit at mga elemento ng Poblacion Sub-Station ng Makati PNP, ang buy-bust operation.
Kinilala ni NPD Director Jose Santiago Hidalgo, Jr. ang arestadong mga suspek na sina Huang Sia alyas Jason Lee, isang Chinese national, at Raffy Ballera alyas “Ivan”. Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang tatlong matataas na kalibre ng baril na pakay ng buy-bust operation.
Sa tala ng pulisya, isang pulis ang nagkunwaring buyer at nakipagkasundo para sa apat na high-powered firearms sa halagang P300,000.
Kabilang sa mga narekober sa dalawang arestado ang tatlong mahahabang armas (Spikes Tactical Apopka FL USA) na P100,000 ang halaga ng bawat isa, isang gramong cocaine at tatlong gramong shabu. Nabawi rin ng mga operatiba ang buy-bust money na ginamit sa nasabing operasyon.
Nasa kustodiya na ng NPD mga suspek na sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). (FRANCIS SORIANO/DAVE MEDINA)
362
