TUGADE HUGAS-KAMAY SA KAPALPAKAN NG CASHLESS SYSTEM SA TOLLWAYS

HUMINGI ng paumanhin si Transportation Secretary Arthur Tugade sa mga motorista bunsod ng abalang idinulot ng palpak na RFID system sa North Luzon Expressway.

Sa kabila nito, mistula namang hugas kamay si Tugade sa kaguluhan sa pagsasabing nagpalabas siya ng mga direktiba upang agad maresolba ang mga problema sa NLEX.

Kabilang dito ang pagpapalawig ng deadline para sa pagpapatupad ng 100 percent cashless payments sa tollways at ang pagsusulong ng interoperability ng tollways.

Ikinatuwa naman ni Senate Committee on Public Service chairperson Grace Poe ang paghingi ng paumanhin ni Tugade.

“Unang-una, maraming salamat sa inyong paghihingi ng pasensya, naintindihan naman natin na hindi ganun kadali ang naatas sa inyong trabaho,” saad ni Poe.

Gayunman, kinuwestyon pa rin ni Poe ang pagpapalabas ng kautusan para sa 100 percent cashless system ni Tugade kahit alam nitong may problema ang sistema.

“These problems that are now manifesting itself more has been in place, have been experienced by many of our drivers since 2018. So, matagal na po itong mga problema na ito, nung ginawa niyo po ‘yung order na maging cashless, bilang TRB head po siguro nakakarating na sa inyo ang mga problemang ito, pero nagkaroon pa rin kayo ng order na ganyan,” diin pa nito.

Paulit-ulit ding iginiit ni Poe sa mga toll operators ang interoperability na hindi naman makapagbigay ng takdang petsa kung kailan mangyayari.(DANG SAMSON-GARCIA)

137

Related posts

Leave a Comment