TULAK SA VALENZUELA, MALABON, MAKATI TIMBOG

ARESTADO ang anim na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa mga lungsod ng Valenzuela, Malabon at Makati.

Sa Valenzuela City, swak sa kulungan ang isang lalaki na umano’y tulak ng ilegal na droga matapos makumpiskahan ng mahigit sa P.1 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya noong Lunes ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief, P/Lt. Joel Madregalejo ang arestadong suspek na si Rico Acaso, 58, ng #65 San Jose Compound, Brgy. Canumay West.

Ayon kay SDEU investigator P/SSgt. Ana Liza Antonio, dakong alas-10:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU, sa pangunguna ni P/Lt. Madregalejo, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Ramchrisen Haveria, ng buy-bust operation sa bahay ng suspek.

Nagawang maka-order si P/Cpl. Randy Canton na nagpanggap na buyer, sa suspek ng P3,000 halaga ng droga at nang tanggapin nito ang marked money ay agad inaresto.

Nakumpiska kay Acaso ang 22 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P149,600 ang halaga, buy-bust money at cellphone.

Sa Malabon City, arestado ang tatlong hinihinalang tulak ng marijuana sa ikinasang buy-bust operation noong Lunes ng hapon.

Kinilala ni NPD District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief, P/Lt. Col. Macario Loteyro ang arestadong mga suspek na si Mikel Pucio alyas “Manila Dead Drop,” 25; Kian Earl Bonifacio, 20, at Rochelle Alday, 24, pawang ng Caloocan City.

Ayon sa ulat, dakong alas-3:30 ng hapon nang masagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng NPD-DDEU, sa pangunguna ni P/Lt. Col. Loteyro at P/Maj. Jerry Garces, sa harap ng isang bahay sa No. 2A MacArthur Highway, Brgy. Potrero, Malabon City na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakuha sa mga suspek ang 1,000 gramo ng hinihinalang marijuana na may standard drug price na P120,000, buy-bust money at dalawang cellphone.

Sa Makati City, bagsak sa Makati City Police Station Custodial Facility ang dalawang suspek sa pagtutulak ng ilegal na droga makaraang madakip noong Lunes ng gabi sa Barangay Guadalupe sa nabanggit na lungsod.

Sa ibinahaging impormasyon ni Southern Police District Director P/BGen. Eliseo DC Cruz, nakumpiskahan ng P302,000 halaga ng umano’y shabu ang mga suspek na sina Jomar Serio alyas “Waray”
at Terence Ferrer alyas “TJ”.

Ayon sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi noong Lunes nang magkasundo ang mga suspek at police poseur buyer para sa transaksyon sa ilegal na droga sa #4050 Progreso St., Brgy Guadalupe Viejo, Makati City na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.

Nakuha sa mga suspek ang anim sachet ng umano’y shabu na tinatayang 44.5 gramo at P302,600 ang street value.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (FRANCIS SORIANO/DAVE MEDINA)

168

Related posts

Leave a Comment