(NI ABBY MENDOZA)
DALA sa idinulot na vaccine scare ng Dengvaxia, umaapela ang isang mambabatas sa media na tumulong para mawala ang takot ng publiko sa vaccination program ng Department of Health (DoH) sa harap na rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue gayundin ng posibilidad ng pagbalik ng mga sakit gaya ng polio.
Ayon kay House Committee on Health Vice Chairman Alexie Tutor mula noong taong 2000 ay naideklara nang polio-free ang bansa subalit sa ngayon ay nanganganib na magkaroon ng high risk polovirus transmission kung marami ang hindi magpapabakun laban sa polio dahil sa takot.
Sa datos ng Department of Health (DoH) ang vaccination coverage para sa third dose ng Oral Polio Vaccine(OVP) ay bumaba ng 95%, ang 95% umano ay target para masiguro ang population protection laban sa polio.
Ani Tutor dapat mapanatili ng bansa ang polio free kaya umaapela ito sa media networks na tumulong para mapalaganap ang vaccination program ng DoH.
“Sana magkaroon ng trending na anti-polio at pro-vaccination ads sa radio, tv at print media upang makalikha ng awareness sa publiko sa kahalagahan ng pagpapabakuna,”pahayag ni Tutor kung saan maging sa mga producers ng teleserye at noontime shows ay nakiusap ang mambabatas na isama sa kanilang mga programa ang ilang minutong pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa pagiging ligtas ng bakuna.
Inirekomenda rin nito sa Radio TV Malacanang ang paggawa ng radio at TV ad na paulit-ulit na i-bo-broadcast at may apela mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga magulang na hikayatin na pabakunahan ang mga anak.
Ang polio ay nakamamatay at isang disabling disease na sanhi ng poliovirus, nakukuha ito kung may maruming environmental sanitation at hygiene, makakaiwas lamang sa virus sa pamamagitan ng bakuna na dapat makumpleto bago dumating ang edad na 1 taon.
293