TULONG PINANSYAL SA GURO, KAWANING TINAMAAN NG COVID-19

HABANG nalalapit ang pagbubukas ng klase sa gitna ng patuloy na pagkalat ng Delta variant, hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng mga guro, lalo na iyong mga nahawa o mahahawa sa COVID-19.

Sa isang pagdinig sa Senado, ibinahagi ni Department of Education (DepEd) Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla na nagpanukala ang ahensya ng pondo upang makapagbigay ng tulong pinansyal sa mga school personnel na nagka-COVID-19. Sa kabila nito, ang panukalang pondo ay hindi nakasama sa 2022 National Expenditure Program (NEP).

Paliwanag ng DepEd, wala itong authorization na gumasta para sa pagpapagamot ng mga school personnel na nagkasakit dahil sa COVID-19.

Ngunit ayon sa ahensya, ang mga guro at kawani ng DepEd na mahahawaan ng sakit ay maaaring makatanggap ng tulong pinansyal mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Bagama’t maaaring amyendahan ng Kongreso ang panukalang 2022 budget upang mapagbigyan ang kahilingan ng DepEd, hinimok ni Gatchalian ang DepEd at PhilHealth na bumuo ng special lane para sa mga guro. Ayon sa senador, ito ang pinakamabilis na paraan upang matulungan ang mga guro.

Tiniyak ng mambabatas na sa pagrepaso ng panukalang 2022 budget, magsusulong siya ng amendments upang magkaroon ang DepEd ng authorization na magbigay ng tulong pinansyal sa mga personnel na mahahawa ng COVID-19. (ESTONG REYES)

138

Related posts

Leave a Comment