TULOY ANG DELIHENSYA NG RETIRADONG PNP GENERAL

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MALAMANG mauwi sa wala ang kampanya ng administrasyong Marcos laban sa iba’t ibang anyo ng iligal na sugal, maliban na lang kung masusupil ang diskarte ng isang retiradong heneral – kaladkad ang isang ahensya ng pamahalaan.

Kilalanin natin ang retired police general sa pangalang Yeba.

Kung pagbabatayan ang kanyang service record sa pulisya, lumalabas na may angking tikas si Yeba. Katunayan, mahaba ang talaan ng mga sensitibong pwestong kanyang hinawakan. Sa lahat ng pwesto at lugar ng destino, kapuna-puna ang kanyang pagiging bibo sa mga pasugalan, habang sa problema sa droga ay deadma lang.

Nang magretiro sa serbisyo noong nakaraang taon, si Yeba at pumustura at nagsumiksik sa isang ahensya sa pag-asang itatalaga maski komisyonado man lang sa naturang tanggapan ng gobyerno.

Fast forward tayo. Matapos ang mahigit isang taon, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Yeba na tila nalilibang pa nga sa nakasanayang delihensya, gamit pangalan ng mga opisyales ng naturang ahensya.

Bitbit ang kanyang mga amuyong, sinuyod ang halos lahat ng klase ng pasugalan – e-sabong, POGO, jueteng, EZ2, peryahan at iba pang tinatawag na sugal lupa sa Central Luzon, Calabarzon at Metro Manila.

Tulad ng inaasahan, positibo ang bawat lakad – mga iligal na sugal nabisto, may mga suspek na arestado. Pero ang nakapagtataka, walang sinampahan ng kaso o natulog man lang ng kahit isang magdamag sa masikip at mabahong hoyo.

Tama! Nagpapa-areglo si Yeba sa mga operasyong walang pahintulot o basbas man lang ng gobyerno.

Sa isang pagpupulong ng mga operator ng iligal na sugal sa Region III, Calabarzon at Metro Manila, nagkasundo ang mga kapitalista ng sindikato na alamin kung sino ang amo ni Yeba para isang aregluhan na lang.

Ang masaklap, malaki na ang nakulimbat sa kanila nang napagtanto na kolorum pala ang damuhong si Yeba.

Korek na naman! Ginamit lang ni Yeba ang pangalan ng chairman at commissioner ng naturang ahensya.

Kung wala siyang pwesto o basbas man lang ng pamunuan ng ahensya, malinaw na holdap ang bagong diskarte ni Yeba. Saan kumuha ng mandato o direktiba man lang si Yeba sa mga inilunsad na opensibang pera-pera?

Ayon sa timbre ng isang impormante, nagpapalamig si Yeba tangay ang kanyang limpak-limpak na delihensya kesehodang bahiran ng batik ang nasabing ahensya.

Clue: GAME ka na ba ma-AMUSE?

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

438

Related posts

Leave a Comment