HUWAG magpaloko sa pagpapalit ng liderato sa Kamara! Ito ang mariing panawagan ng Makabayan bloc na binubuo nina Kabataan Rep. Renee Co, Gabriela Rep. Sarah Elago, at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, kasabay ng kanilang presscon kahapon.
Giit nila, hindi sapat ang pagbibitiw ni dating Speaker Martin Romualdez para masabing tapos na ang isyu ng katiwalian sa flood control projects. Dapat umanong ibuhos ng taumbayan ang kanilang galit sa Martsa ng Galit sa Luneta sa Setyembre 21, kasabay ng anibersaryo ng Martial Law.
“Hangga’t hindi nawawasak ang sistemang korap sa gobyerno, magpapatuloy ang pagnanakaw sa kaban ng bayan,” ani Co. “Kaya ibuhos natin ang galit sa Luneta. Bumaha ng protesta laban sa corruption!”
Sinang-ayunan ito ni Elago na nagsabing walang saysay ang simpleng pagpapalit ng liderato kung mananatili ang pork barrel, patronage politics, at insertions sa budget.
“The change of leadership will not guarantee an end to corruption… kaya dapat tapusin na ang lahat ng pork funds at patronage politics,” diin ni Elago.
Para naman kay Tinio, hindi dapat makaligtas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pananagutan. Aniya, tatlong taon umanong pinabayaan ng Pangulo ang Kongreso na palobohin ang flood control funds nang hindi ginagamit ang veto power.
“Hindi siya pwedeng lusot dito. Kung ngayon lang niya binigyan ng pansin, ibig sabihin huli na—nalubog na ang bayan sa baha,” dagdag ni Tinio.
Kasama rin sa kanilang sisingilin ang Duterte administration na umano’y nagpasimula ng pagbubundat ng flood control budget na itinuloy ng kasalukuyang administrasyon.
Samantala, ayon kay PNP Public Information chief PBGen. Randulf Tuaño, nasa 10,000 katao lamang ang inaasahang lalahok sa Metro Manila protest batay sa kanilang monitoring. Pero giit ng organizers ng tinaguriang “Trilyon-Piso March,” higit 15,000 katao ang nakahanda para sa programa sa EDSA Shrine pa lang, bukod pa sa mga grupong magsasama-sama sa Luneta.
Naka-“heightened alert” na ang NCRPO at handa nang magtaas ng full alert status sa mga susunod na araw para bantayan ang kilos-protesta.
(May dagdag na ulat si TOTO NABAJA)
