Sa pagsibak kay Romualdez HIDWAAN LUMALALIM SA MARCOS ADMIN

LUMALALIM ang hidwaan sa loob ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa gitna ng matinding galit ng taumbayan sa mga katiwalian sa gobyerno tulad ng flood control projects.

Ganito ang basa ni House Deputy Minority Leader at ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio kasunod ng pagpapalit ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan pinalitan ni Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III si Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker ng Kamara.

“The supposed deliberations on whether Speaker Romualdez will stay, take a leave, or resign altogether is obviously a Marcos move designed to further consolidate Malacanang’s control over Congress and give credibility to his so-called anti-corruption drive amid the widespread protests hounding his regime,” ani Tinio.

Si Dy ay kapartido ni Marcos sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) habang chairman naman ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) si Romualdez na pinakamalaking partido ngayon sa bansa.

Ilan sa administration congressmen tulad ni House majority leader Sandro Marcos ay aminado na ilang linggo umanong pinag-usapan ang pagre-resign ni Romualdez matapos kaladkarin ang kanyang pangalan sa flood control projects.

Sa gitna ng paghahanap ng bagong lider ng Kamara ay inilutang ang pangalan ni Dy na kapartido ni Marcos na malinaw umanong indikasyon ng “political maneuver” ng Palasyo ng Malacañang.

Tuloy ang paniningil

Samantala, sinabi ni Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando na kahit nagpalit na ng liderato sa Kamara ay hindi nangangahulugan na tatahimik na ang mga kritiko o ititigil na ang laban para panagutin ang mga tiwaling opisyal.

“Make no mistake: ang pagpapalit ng liderato ng Mababang Kapulungan ay bunga ng walang-tigil na ingay at pangangalampag ng mga manggagawa at ordinaryong Pilipino. Pero unang hakbang pa lang ito—dapat tuloy ang laban para sa tunay na pananagutan,” giit ni San Fernando.

Tinukoy pa niya na dapat tutukan ang mga sangkot sa flood control scam at iba pang anomalya para mabigyan ng hustisya ang taumbayang ninakawan.

Dy: Humble at defensive

Sa kanyang acceptance speech, umapela si Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa publiko na bigyan siya at ang bagong liderato ng pagkakataong patunayan ang kanilang layunin:

“Meron kaming pagkukulang, kami po ay nagpapakumbaba. Hinihiling namin na bigyan ninyo kami ng tsansa na ituwid ang maling kalakaran at linisin ang aming hanay. Bigyan ninyo kami ng pagkakataong makuha muli ang inyong tiwala.”

Dagdag niya, hindi siya mag-aatubiling papanagutin kahit miyembro ng Kamara kung mapatunayang sangkot sa katiwalian, lalo na sa bilyon-bilyong pondo ng flood control projects.

“Kung merong dapat managot, sisiguraduhin nating patas ang pagdinig. Kami ay magiging transparent, accountable, at makikinig sa boses ng mamamayan. Doon lamang masisimulang matanggal ang agam-agam ng ating mga kababayan,” paninindigan ng bagong Speaker.

(BERNARD TAGUINOD)

39

Related posts

Leave a Comment