LUMAHOK ang political group na PolPhil o ang People’s Progressive Humanist Liberal Party sa kilos-protesta ng Trillion Peso March sa People Power Monument, EDSA upang hilingin ang pananagutan ng mga sangkot sa flood control project at ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa pamahalaan. (PAOLO SANTOS)
IGINIIT ng political group na People’s Progressive Humanist Liberal Party (PolPhil) na dapat papanagutin at makulong ang lahat ng sangkot sa umano’y maanomalyang ghost flood control project at sa mga nilutong bidding sa pamahalaan. Ayon sa grupo, hindi titigil ang lumalawak na kilos-protesta hangga’t walang napaparusahan sa mga responsable.
Sa isinagawang rally nitong Nobyembre 30 sa People Power Monument sa EDSA, binigyang-diin ng PolPhil na makatarungan at makabuluhan ang pag-aalsa ng publiko—patunay ng kanilang matinding hangarin para sa isang gobyernong tapat, transparent, at tunay na naglilingkod sa taumbayan.
“Ang demokrasya ay gumagana dahil kumikilos ang sambayanan,” pahayag ni Edicio dela Torre, PolPhil Emeritus.
Si dela Torre, dating pari at bilanggong pulitikal, ay nagsabing nananatiling buhay ang mga mekanismo ng demokrasya sa kabila ng krisis. “Ang nasasaksihan natin ay demokrasya sa pagkilos.
Ang mga imbestigasyon, malayang media, whistleblowers, at ang mamamayan mismo ang nagtutulak ng pananagutan. Kailangang pangalagaan at hayaang gumana ang mga prosesong ito,” aniya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng karapatang magprotesta: “Ang mapayapang pagtitipon ay hindi banta—ito ang tibok at lakas ng demokrasya. Dapat itong igalang at pangalagaan ng pamahalaan sa lahat ng pagkakataon.”
Samantala, sinabi ni Rodolfo “Rudy” Cañeda, PolPhil National Chairman, na ang tunay na liderato ay nakikita sa paninindigan para sa reporma at hindi sa panunupil.
“Hindi tayo pabor sa kudeta, ayaw natin ng power grab. Dapat makulong ang lahat na sangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan,” pahayag ni Cañeda.
Hinikayat din niya ang mga halal na opisyal na tugunan ang krisis nang may tapang, pananagutan, at integridad. “May karapatan ang publiko na maningil. At dapat tumugon ang ating mga lider, hindi sa pamamagitan ng pagsupil sa tinig ng taumbayan, kundi sa pagyakap sa malalim at kinakailangang reporma,” dagdag pa nito.
56
