Sa paggunita ng World TB Day, muling pinaalalahanan ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang publiko na huwag ipagwalang-bahala ang mga sintomas ng tuberculosis (TB) at agad magpa-screening, bilang mahalagang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng sakit at maisalba ang mas maraming buhay.
Ayon sa datos ng Epidemiology Bureau – Integrated Tuberculosis Information System, umabot sa 101,807 na mga kaso ng TB ang naitala sa National Capital Region (NCR) as of February 16, 2026, dahilan upang higit pang paigtingin ng tanggapan ang kampanya para sa maagang pagtuklas, agarang gamutan, at tuluyang pag-iwas sa sakit.
Binigyang-diin ng DOH-MMCHD na bagama’t nananatiling isa ang TB sa mga pangunahing sakit sa bansa, ito ay lubos na nagagamot at nalulunasan, lalo na kung ito ay matutukoy sa mga unang yugto pa lamang.
“May magagawa tayo. At may mga serbisyong handang tumulong sa inyo. Ang TB ay nagagamot. Hindi ito dapat katakutan, at lalong hindi dapat ikahiya. Mas nagiging mahirap lamang ang sitwasyon kapag ito ay tinatago o ipinagpapaliban,” saad ni DOH-MMCHD Regional Director Lester M. Tan.
Hinihikayat ng ahensya ang publiko, lalo na ang mga nakararanas ng ubo na tumatagal ng dalawang linggo o higit pa, pananakit ng dibdib, lagnat, panghihina, pagpapawis sa gabi, at hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang, na agad magtungo sa pinakamalapit na health center upang magpasuri. Ang mga serbisyong ito ay libre sa mga pampublikong pasilidad, kabilang ang diagnostic testing at kumpletong gamutan.
Noong 2025, mahigit 3.1 milyong katao ang na-screen para sa TB sa NCR bilang bahagi ng pinalawak na case finding efforts sa rehiyon. Kasabay nito, isinusulong ang pagbibigay ng TB Preventive Treatment lalo na sa mga high-risk groups tulad ng mga batang close contacts at iba pang vulnerable populations. Layunin ng TPT na maiwasan ang pag-develop ng active TB disease at maputol ang transmission chain sa komunidad.
Kasabay ng paggunita ng World TB Day, patuloy na pinalalakas ng DOH-MMCHD ang mga inisyatibo sa tulong ng mga lokal na pamahalaan sa NCR at partners tulad ng pinalawak na TB screening sa mga komunidad, paaralan, at lugar ng trabaho; community-based interventions upang maabot ang mga high-risk na populasyon; at mas pinaigting na health education campaigns upang mapawi ang stigma at maling paniniwala tungkol sa TB.
“Ang ating layunin ay iisa. Isang komunidad na mas maalam, mas maingat, at mas handang kumilos para sa kalusugan ng bawat isa. Tandaan po natin, ang laban kontra TB ay laban ng bawat Pilipino, anuman ang edad, anuman ang sektor. Sama-sama nating itaguyod ang isang TB-free generation. YES! PILIPINAS CAN #ENDTB: Magpasuri, Magpagamot, at mag TPTodo para Protektado” dagdag ni Director Tan.
107 