SA mga nakalipas ng linggo, pilit ikinukubli ng Department of Health (DOH) ang nakaambang peligrong dala ng muling pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng nakamamatay na COVID-19.
Pero nitong nakaraang Sabado, biglang umamin ang departamento! Anila, posibleng pumalo sa 1,200 ang arawang tala ng mga bagong COVID-19 cases bago matapos ang buwan ng Hunyo – ‘yan ay kung magpapatuloy aniya ang paglaganap ng mikrobyo.
Susmarya! Ang totoo, laganap na ang hawaan sa iba’t ibang panig ng bansa, Gayunpaman, pinakamataas ang antas ng mga kumpirmadong kaso sa National Capital Region (NCR) kung saan halos lahat naman ay bakunado.
Sa kabila ng pag-amin, ayaw naman tanggapin ng DOH ang COVID surge o ang pagdami ng mga kumpirmadong kaso, sabay giit na ang naturang bilang ay batayan lamang nila para sa ikinakasang paghahanda.
Ang tanong? Ngayon lang ba kayo naghahanda? Hindi ba’t ilang linggo nang nagbababala ang mga eksperto sa larangan ng siyensya at medisina? Hindi pa ba sapat ang result ng mga pag-aaral ng mga siyentipiko mula a World Health Organization (WHO)? Hindi ba kumbinsido ang DOH sa nagaganap na COVID surge sa mga bansang gumagawa pa ng sariling bakuna?
Ang masaklap, nalalagay sa kompromiso ang kaligtasan ng publiko dahil sa kabi-kabilang palusot ng departamentong ang mandato’y tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng sambayanang Pilipino.
Sa puntong ito, hindi nga ba’t higit na angkop na pag-ibayuhin na lamang ng DOH ang pagbabakuna kontra COVID-19? Dangan naman kasi, sadyang tumamlay ang sigasig ng pamahalaan sa malawakang bakunahan.
Nakalulungkot isiping halos wala nang nagtutungo sa mga itinalagang vaccination sites sa iba’t ibang lokalidad. Ang resulta – mga bakunang ginastusan at sukdulang ipangutang pa ng gobyerno, hayun panis na, kung hindi man tuluyan nang nawalan ng bisa.
Saan nagkulang ang pamahalaan? Sa maraming aspeto – ang matamlay na information drive para sa booster shots na dagdag-proteksyon, ang bigong implementasyon ng minimum public
health and safety protocol at ang kabiguang magsabi ng totoong estado.
Hindi kayang pagtakpan ng dumadaming bilang ng mga bagong positibo ang nagbabadyang peligro. Kesa puro palusot, mas mainam kung aaminin na lang ang totoo kasabay ng panawagan para sa kolektibong pagkilos ng gobyerno, pribadong sektor at ang mismong mga tao.
138