UMENTO SA INSURANCE PREMIUM INALMAHAN

PINALAGAN ng isang kongresista ang hiling ng mga insurance companies na taasan ang antas ng buwanang premium payment.

Panawagan ni Rep. Wilbert Lee sa Insurance Commission, busisiin nang husto ang aklat ng pananalapi (financial ledger) ng insurance companies bago pahintulutan ang hirit na umento sa koleksyon.

Paniwala ni Lee, hindi totoong nalulugi ang insurance companies kasabay ng hirit na isantabi muna ang hiling na 400% increase sa insurance premium pagsapit ng 2023.

Tugon naman ni Insurance Commissioner Dennis Funa, pinahintulutan nila ang hirit na premium increase sa mga non-life insurance business dahil sa mahabang panahon na naman aniyang di gumalaw ang buwanang singil ng insurance companies.

“Sa sinasabi ni Commissioner Funa na kailangan daw ang adjustment dahil matagal nang hindi nakapagtaas ng singil sa insurance na ito, ang tanong natin: Sa nagdaang mga taon, nalugi ba ang mga insurance company para sabihin nilang ‘unsustainable’ ito? Kung totoong lugi at hindi na profitable at kumikita, handa ba silang isapubliko ang kanilang mga libro para patunayan ito?” ani Lee.

Wala rin aniyang sapat na dahilan para dagdagan ang pasanin ng mga mamamayang di na umano makagulapay sa kahirapan.

“Bugbog na bugbog na ang taumbayan sa taas ng presyo ng mga bilihin na dulot ng Russia-Ukraine war at sa epekto ng pandemya, dadagdagan pa ng polisiyang ito na iilan lang naman ang makikinabang. ‘Pag natuloy ito, total disaster ang maidudulot sa consumers,” dagdag pa nito.

Pinasaringan din ang Insurance Commission ng kongresista hinggil sa kawalan ng konsultasyon sa mga apektadong sektor at maging sa lehislatura.

“Bakit sila-sila lang ang nag-usap-usap kung ang tatamaan nito ay ang nagbabayad ng insurance, na makaaapekto rin sa presyo ng basic commodities? Gulatan ang nangyari. Patago kaya parang sabwatan ang nangyari.” (BERNARD TAGUINOD)

271

Related posts

Leave a Comment