Unang SONA puno ng pag-asa TUGON SA EKONOMIYA, UTANG AT KAHIRAPAN INILATAG NI PBBM

(CHRISTIAN DALE)

NAKATUON ang unang Ulat sa Bayan ni Pangulong Ferdinand Marcos sa mahahalagang usapin tulad ng ekonomiya at pagtugon sa kahirapan.

Inihayag ng Pangulo na magpapatupad siya ng sound fiscal management habang ang tax administration reforms ay ikakasa rin upang mapataas ang revenue collection.

Sa kanya pa ring State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City, nitong Lunes, sinabi nito na ang expenditure priorities ay ire-realign at ang spending efficiency ay pagbubutihin para agad tugunan ang tinatawag na pagkakapilay sa ekonomiya na nag-ugat mula sa epekto ng COVID-19, at para na rin sa paghahanda para sa “future shocks.”

Ipo-promote din aniya ang Productivity-enhancing investments.

Bukod dito, sinabi ng Pangulo na ia-adjust ang tax system upang makahabol sa mabilis na developments ng digital economy, kabilang na ang imposisyon ng value-added tax sa digital service providers.

Target din nitong ibaba ang utang ng bansa sa 60% debt-to-gross domestic product (GDP) ratio pagsapit ng 2025.

Patuloy ring kakalingain ng gobyerno ang mga lubos na nangangailangan.

Mangunguna aniya sa pag-aagapay sa mga ito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kaya ang utos niya sa DSWD ay ang mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad at iba’t ibang krisis.

Ibinalita rin ng Pangulo na higit na sa isang milyong pangalan na ang naka-graduate na sa listahan ng DSWD.

“At nagagalak akong mabatid na sila ay nakakatayo na sa kanilang sariling paa,” ayon kay Pangulong Marcos.

Kaugnay nito ay inutusan niya ang DSWD na pag-ibayuhin pa ang pagrepaso sa listahan upang maitutok ang pamimigay ng sapat na ayuda sa mga lubos na nangangailangang pamilya.

Sa kabila naman ng patuloy na banta ng COVID-19, siniguro ni Pangulong Marcos na wala siyang balak magpatupad pa ng lockdown.

“Wala na tayong gagawing lockdown,” pagtiyak ng Pangulo.

Dapat aniyang balansehin nang maayos ang kalusugan at kapakanan ng mamamayan sa isang banda at ang ekonomiya naman sa kabilang banda.

Binanggit din ng Pangulo na magtatayo siya ng dagdag na mga health center at ospital.

“Beyond the issues that the pandemic has brought, the need for a stronger health care system is self-evident. We must bring medical services to the people and not wait for them to come to our hospitals and health care centers,” lahad nito.

Sinabi ng Pangulo na napakinabangan nang husto ng mamamayang Pilipino ang malalaking specialty hospitals gaya ng Heart Center, Lung Center, Children’s Hospital at National Kidney and Transplant Institute kaya nais niyang magtayo rin nito sa iba pang bahagi ng bansa.

Kumbinsido rin si Pangulong Marcos na panahon na para ibalik ang “full face-to-face classes” sa bansa.

Eksaktong alas-3:33 ng hapon nang dumating sa Batasang Pambansa si Pangulong Marcos para sa kanyang unang SONA.

Dumiretso ang Pangulo sa Executive Lounge ng Kongreso kasama ang kanyang maybahay na si Lisa at Executive Secretary Vic Rodriguez, mga senador at iba pa.

Maaga namang dumating si Vice-President Sara Duterte.

219

Related posts

Leave a Comment