NANINIWALA si Iloilo Rep. Janette Garin na patutunayan ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mali ang mga alegasyon laban sa kanya kapag siya ang nanalong pangulo sa Mayo.
Ito ang isa sa mga dahilan ni Garin, nagsilbing health secretary ni dating Pangulong Benigno Aquino III kaya sinuportahan nito ang kandidatura ni Marcos at maging ang runningmate nito na si Davao City Mayor Sara Duterte.
“I believe that there is very great motivation in Bongbong Marcos to deliver to the people because he wants to disprove the allegations against him,” ayon sa mambabatas.
Hindi lingid sa karamihan na maraming alegasyon ang ibinabato laban kay Marcos at pamilya nito lalo na ngayong panahon ng kampanya kung saan nangunguna ang dating senador sa mga presidential survey.
Pabor din si Garin sa alok na pagkakaisa ng BBM-Sara UniTeam at ramdam umano nito na seryoso ang dalawa na pagkaisahin ang sambayanang Pilipino. (BERNARD TAGUINOD)
257 