DEDMA lang ang Malakanyang sa panawagan ni Vice President Leni Robredo at mga opposition senator na transparency at accountability ukol sa nangyaring pagpapabakuna sa PSG personnel ng unauthorized vaccine.
“Kagaya ng aking nasabi, nagbibigay-pugay, nagpapasalamat po ang ating presidente sa katapangan, sa katapatan ng PSG na magawa ang kanilang katungkulan na protektahan ang ating presidente,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Sa ulat, hinikayat ni Robredo na maging transparent ang pamahalaan sa pamamahagi ng bakuna laban sa COVID-19.
Kasunod na rin ng pagkabunyag sa publiko ng pagbabakuna sa ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) gamit ang hindi awtorisadong COVID-19 vaccine.
Kaugnay nito, pabor ang Malakanyang na humarap sa Senado si Presidential Security Group commander Brigadier General Jesus Durante III sakali’t ipatawag ng Senado. (CHRISTIAN DALE)
o0o
DURANTE HINDI SISIBAKIN
SINOPLA ng Malakanyang ang mungkahi ni Senator Richard Gordon na dapat ikonsidera ni Presidential Security Group commander Brigadier General Jesus Durante III na magbitiw sa pwesto sa harap ng kontrobersiyal na inoculation sa kanyang tropa ng hindi rehistradong COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na bagama’t ang mungkahing ito ay diretsong tanong kay Durante ay sila naman aniya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay naninindigan sa kanilang pagbibigay-pugay at pasasalamat kay Durante.
“Ako po personal at ang presidente ay nagbibigay-pugay at nagpapasalamat po kay Gen. Durante,” ayon kay Sec. Roque.
Nauna rito, sinabi ni Gordon, bilang commanding officer, ang pananagutan umano sakaling may mangyari sa mga nabakunahang PSG member ay isisisi kay Durante.
Sa parehong pagkakataon, naniniwala rin ang senador na ang inoculation sa mga miyembro ng PSG ay lumabag sa batas sa smuggling dahil hindi pa naaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang registration ng kahit anong bakuna laban sa COVID-19.
o0o
LIBONG POGO WORKERS
NABAKUNAHAN
WALANG impormasyon si Presidential spokesperson Harry Roque sa sinabi ni civic leader Teresita Ang-See na may 100,000 Chinese POGO workers na ang naturukan ng bakuna laban sa COVID-19.
“Wala po akong impormasyon, kung ito man ay totoo e di mabuti, 100,000 less possible carriers of the COVID-19 virus,” ayon kay Sec. Roque.
Wala rin aniya siyang impormasyon kung paano nakapasok ang bakuna at kung sino ang namahala sa pagbabakuna.
Ayon kay Ang-See, nabakunahan na ang may 100,000 Tsino na nagtatrabaho sa POGO sa Pilipinas.
Samantala, inamin naman ni Philippine Ambassador to China Jose Santiago L. Sta. Romana na hindi pa siya natuturukan ng bakuna laban sa COVID-19.
o0o
BANTA NG RED CROSS
INISNAB NG PALASYO
WALANG nakikitang dahilan ang Malakanyang para magpahayag sa tila muling pagbabanta ng Philippine Red Cross na mapipilitan itong suspendihin ang COVID-19 testing sa oras na mabigo ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na bayaran ang kanilang utang.
“Alam ninyo po, pangatlong beses na atang nangyari ito noh. Parang… anyway, same answer po. Mayroon naman po kasing proseso na sinusunod. hindi naman po na parang pribadong organisasyon ang PhilHealth. May mga verifications, may mga COA rules and regulations dahil gobyerno pa rin naman po ang PhilHeath pero kung .. let’s get back to the track record of PhilHealth .. kung may pagkakautang eh nagbabayad naman po at ang presidente naman po mismo ang nagsalita.. he vouches na lahat po ng pagkakautang ng PhilHealth pagdating sa PRC,” ang litaniya ni Presidential spokesperson Harry Roque.
Ayon kay PRC chairman Senator Richard Gordon, ang utang ng PhilHealth ay pumapalo na sa P762.8 million at umaasa itong hindi na lolobo sa P1 billion. (CHRISTIAN DALE)
