KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
HINDI ako pumapatol sa anomang isyu na parang showbiz ang dating. Pero hindi ko mapalalampas ang argumento nitong si Chloe, ang dyowa ni Olympian medalist Caloy Yulo, tungkol sa relasyon ng magulang at anak dito sa Pilipinas.
Sa isang interview quote kay Chloe na naging viral, sinabi niya ito: “Gustong-gusto ko pong mawala na ang ‘utang na loob’ culture dito sa Pilipinas dahil sobrang toxic po nito. Hindi po porke’t ipinagbuntis ka ng 9 na months, pinakain, pinag-aral, at pinagtapos ay obligasyon mo na agad tumanaw ng utang na loob sa parents mo”.
##########
Ewan ko kung ano ang reaksyon ng kanyang magulang, lalo na ang kanyang nanay, sa kanyang mga sinabi. Pero kung naging anak ko ang babaeng ito, ibibitin ko siya nang patiwarik sa poste.
Kailan pa naging toxic ang pagtanaw ng “utang na loob”? Kahit sa ibang bansa, sa ibang kultura, ay kinikilala rin ang esensya ng utang na loob sa relasyon ng tao sa kanyang kapwa.
At ‘yung relasyon ng anak sa kanyang nanay at tatay na nagsilang sa kanya sa mundo, nag-aruga simula sanggol hanggang sa kanyang paglaki, hindi ito dapat ikinukulong lang sa kapalooban ng “utang na loob” na kailangang suklian ng anak. RESPETO at PASASALAMAT ang dapat mangibabaw at ito ang wastong ibigay ng anak sa kanyang magulang. Unibersal na relasyon ito sa bawat anak at magulang. At kung hindi iginagalang at pinasasalamatan ng anak ang kanyang magulang, ganito rin ang magiging trato sa kanya ng kanyang anak.
##########
Iisa lang ang aming supling. Unico iho. May asawa na rin siya ngayon.
Pero kailanman man ay hindi namin sinabi sa kanya na tanawin niyang utang na loob sa akin at sa mama niya ang kanyang pagsilang, pagpapalaki hanggang sa magkaroon na siya ng sapat na lakas at kaalaman sa mundo upang makatindig siya sa sariling paa para sa kanyang pakikibaka at pagharap sa hamon ng buhay.
At patuloy kaming aalalay sa kanya at sa aking manugang hanggang kaya namin. At wala kaming hinihinging kapalit sa aming ginawa, ginagawa at gagawin pa para sa kanila.
Responsibilidad namin ‘yun sa kanila bilang aming anak. Maswerte naman kami at sinusuklian nila ito ng matapat na pagmamahal at respeto sa amin.
Sa naging pahayag ni Chloe, bakit atat na atat siyang burahin ang “utang na loob” sa kulturang Pinoy? Hindi naman siya likas na Australyana. Pinoy ang kanyang magulang. Wala ba siyang tinatanaw na utang na loob sa mga ito? Wala nga siguro base sa kanyang pahayag sa interview. Susmaryosep! Patawarin ka nawa ng Panginoong Diyos.
Pero parang mayroong mas malalim na dahilan sa nais niyang pagbura ng “utang na loob” sa ating kultura. Maliwanag na ayaw niyang bumalik si Caloy sa kanyang likas na pamilya at magkasundo silang muli ng kanyang nanay.
Anong posibleng dahilan? Para masolo niya si Caloy at ang limpak-limpak nitong salapi? Kung ito nga ang rason sa trip niya, labas na ako doon.
##########
October 1 to 8. Magsusumite na ng kanilang opisyal na kandidatura ang mga politiko. Pagkatapos nilang gawin ito, ibig sabihin…game na!
Nakahanda na ba ang mga reseta ng gamot, order ng doktor, solicitation letter para sa iba’t ibang raket sa gagawing pangingikil sa mga kandidato?
Isang mukha lang ito ng tradisyunal na sirkus sa Pilipinas. Kaya naman hindi na umunlad ang bansa ay dahil ang mga kandidatong ginagatasan, kapag nanalo, ay mapipilitang mandekwat sa gobyerno para makabawi.
Quo vadis Juan de la Cruz.
112