SA barangay level unang tututok ang pulisya sa pagpapatupad sa videoke ban upang hindi maistorbo ang mga mag-aaral sa kanilang online classes.
Sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) na pinamumunuan ni General Camilo Pancratius Cascolan, inatasan ng Joint Task Force COVID Shield nitong Sabado ang lahat ng kinauukulang police commanders na tutukan ang barangay level enforcement ng ordinansang nagbabawal sa paggamit ng videoke o karaoke at mga lubhang malakas na ingay sa panahon ng online and modular classes.
Kasunod ito ng pagpapairal at pagbalangkas ng mga local government unit ng kani-kanilang ordinansa na nagbabawal sa malalakas at nakabubulahaw na ingay lalo na sa araw kung saan ang mga pre-school hanggang college students ay abala sa pagtugon sa kani-kanilang school requirements, kabilang ang mga siyudad ng Manila, Navotas, Pasay at Cebu City.
“We express our sincerest gratitude to the mayors and the rest of those who compose the Local Government Units for their immediate response to our call to protect our online learners from disturbing noises. Our students are already struggling to adapt to this type of learning and the least that we could do is to make sure that they are not distracted by unnecessary loud noises in their respective communities for them to focus on their school works,” ani PLt. Gen. Eleazar.
Nabatid na sa ilang LGUs ay umiiral na ang ordinansang naglilimita sa paggamit ng videoke mula 10 p.m.
“We leave it to the discretion of the LGUs to find a middle ground between the right of the students for peaceful online classes and the consideration for their constituents to use videoke to unwind,” ani PLt. Gen. Eleazar.
Upang ma-maximize ang enforcement ng mga ordinansa, ayon kay Gen. Eleazar, ay dapat nang pasimulan ng mga police commander ang direktibang inilabas ni PNP Chief General Cascolan na lumikha ng mga Barangay Assistance Desk na tatauhan ng dalawang pulis.
Kasabay nito, ipinaalala ng opisyal sa publiko na maaaring i-report ang mga pasaway sa PNP at JTF COVID Shield sa pamamagitan ng hotlines: PNP Helpline 16677, 0998-849-0013 for Smart users, 0917-538-2495 for Globe users at PNP-Highway Patrol Group Hotline 0926-225-5474. Maaari rin sa ncovmonitoring@gmail.com at PNP2019nCoVARDopn@gmail.com. (JESSE KABEL)
351
