Lima hanggang pitong oras ang biyahe mula Maynila papuntang Vigan, Ilocos Sur. Bagama’t malayo ang biyahe ay sulit na sulit naman kapag narating na ang popular na lugar na ito sa norte.
Ang Vigan ang isa sa ipinagmamalaki ng mga, ika nga’y, “solid north”. Ito kasi ang isa sa pinakamatandang lugar sa Pilipinas na itinayo pa noong huling bahagi ng 1500 sa panahon ng pananakop noon ng mga Kastila. Hanggang ngayon ay ganoon pa rin naman ang itsura nito kaya naman kinilala nang husto ng UNESCO o United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization at binansagan itong “UNESCO World Heritage site”.
Ang pangalang Vigan na siyang siyudad at kapital ng Ilocos Sur ay sinasabing hinango sa bigaa na isang halamang kilala noon sa lugar. Ang bigaa ay isang giant taro plant mula sa uri ng mga gabi na pangkaraniwang halaman lamang na nakikita sa mga ilog dito.
Taun-taon ay parami nang parami ang mga dumarayo rito dahil sa iba’t ibang atraksyong matatagpuan sa lungsod.
Calle Crisologo, 15th Century Spanish street
Ang Calle Crisologo ay isang major attraction na matatagpuan sa Vigan, Ilocos Sur.
Mas marami ang naaaliw sa kalyeng ito sa gabi dahil tila mas buhay na buhay ang itsura nito na madalas lamang makita ng marami mula sa iba’t ibang larawan o napapanood lang sa telebisyon o kahit sa social media.
Base sa mga turistang nakapunta na rito, lokal man o dayuhan, sinasabi nilang animo’y para kang naka-time machine dahil napreserba ang lugar na ito mula sa mga house structure, sa mismong kalye at ang kapaligiran nito na mula pa noong unang panahon.
Kaibahan na lamang nito na karamihan sa mga house structure rito ay tunay na napanatili sa sinaunang panahon ngunit ang loob nito ay mga iba’t ibang tindahan ng souvenir, kainan at iba pa.
Hindi problemang magmamalagi rito kahit sa loob lamang ng ilang araw kung talagang gusto ninyong mag-unwind. Sa palibot ng Calle Crisologo ay may mga hotels at inns dito na abot-kaya lamang ang rates, kaya siguradong may budget pa para malibot nang husto ang mga magagandang lugar dito.
Payo ng mga manlalakbay, kapag nasa isang lugar kang maganda tulad ng bantog na Calle Crisologo, huwag kang humanap o bumili rito ng mga bagay na mahahanap at mabibili lang din sa Maynila o sa lugar kung saan kayo talaga nakatira. Iuwi lamang mula rito ang mga bagay na rito lamang matatagpuan at sadyang natatangi – mga bagay man ito o mga pagkain.
Bahay ni Luna
Ang Bahay ni Luna o Juan Luna Shrine ay isa ring puntahan ng mga turista sa Vigan na matatagpuan sa Rizal Street, Badoc, Ilocos Norte.
Sa bahay na ito na may taas na dalawang palapag matatagpuan hindi lamang ang mga personal na gamit partikular ang mga ipininta ni Juan Luna. Narito rin ang mga kagamitan ng kanyang kapatid na humubog din sa kasaysayan ng ating bansa, ito ay ang popular ding si Heneral Antonio Luna.
Syquia Mansion
Ito rin ay isang museo na noon ay isang kilalang mansion na matatagpuan sa Quirino Boulevard at malapit lamang sa Calle Crisologo.
Narito ang mga memorabilia ng ikaanim na presidente ng bansa na si Elpidio Quirino. Ito ang kauna-unahang Malacañang of the North.
Ang asawa ni Quirino ay kaisa-isang anak ng isang Intsik na si Tomas Syquia ng Vigan at isang Kastilang si Chonchita Jimenez ng Binondo. Ang bahay na ito ay isang dowry, isang wedding gift mula sa kanyang mga magulang.
Nakakamangha ang mga sinaunang kagamitan dito tulad ng mga mamahaling muebles, mga naglalakihang larawan na mula pa sa ibang bansa.
Sa bahay din na ito ay matatagpuan ang four-poster bed o Ah-Tay bed na may dekorasyon ng kalabasa na noong araw ay status symbol at tanging mga mayayaman lamang ang nakakabili nito.
Bantay Church Bell Tower
Sa Vigan din matatagpuan ang Saint Augustine Parish Church na mas kilala bilang Bantay Church. Bago o pagkatapos ng misa sa simbahan ay nagtutungo ang mga panata rito. Marami rin namang dayo na kahit hindi dumadalo sa misa ay diretsong umaakyat sa bell tower upang masdan ang magandang tanawin mula sa tuktok.
