(NI ABBY MENDOZA)
BINATIKOS ni Alliance of Concerned Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio ang lantarang pagpopondo umano ng isang business tycoon sa isang top contender sa House Speakership sa pamamagitan ng pagbibigay suhol o ‘vote buying’ sa mga kongresista para makuha ang kanilang boto.
Ayon kay Tinio hindi na bago ang isyu na may mga malalaking negosyante ang nasa likod ng pagpopondo sa mga politiko. Ang ganitong sistema ay totoo hindi lamang sa ‘gapangan’ para sa House Speakership kundi maging sa Senado at sa Pampangulo.
Subalit, ang naiba umano ngayon ay ang garapalan na at wala nang pagkukubli na pagpapahayag ng suporta ng mga tycoons sa pamamagitan ng lantaran na ‘vote buying’ na aabot sa ilang milyong piso.
Una nang kinumpirma ni dating House speaker Pantaleon Alvarez ang P1M kada kongresista na lobby money para sa Speakership race sa 18th Congress, bagamat hindi pinangalanan ni Alvarez ang top contender na bumibili diumano ng boto ng mga mambabatas ay lumutang naman ang pangalan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na kilalang malapit kay San Miguel Corp. President Ramon Ang.
‘Rep. Velasco has the backing of Ramon Ang, whose San Miguel Corporation business empire has strategic interests in power, transportation, infrastructure, agriculture, among others’ pahayag ni Tinio.
Dagdag pa ni Tinio na kung mananalo si Velasco sa tulong ni Ang ay nakababahala dahil tiyak na mananaig ang interes ng tycoon sa mga polisiya sa halip na ang kapakanan ng mamamayan.
Inamin ni Tinio na may naririnig silang impormasyon ukol sa sinasabing suhulan na sa Kamara at kung may katotohanan ang sinasabing imbitasyon ni Velasco sa mga mambabatas na dumalo sa isang pulong kung saan magbibigay diumano ng P1-M ay hindi sya imbitado rito.
159