NAGDADALAMHATI si Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles sa pagkamatay ni Jalajala, Rizal Vice Mayor Jose “Jolet” delos Santos dahil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Ayon kay Nograles, malaking kawalan sa Jalajala, Rizal ang hindi inaasahang pagpanaw ni Delos Santos lalo na sa paghahatid ng serbisyo sa kanilang mga constituent.
“Vice Mayor Jolet’s passing is a great loss and leaves a vacuum of leadership. I hope, and I believe, that the rest of Jalajala’s leaders will step up to fill this void,” pahayag ni Nograles.
Nabatid na pumanaw si Delos Santos noong Martes, Marso 31, matapos magpositibo sa COVID-19 test na isinagawa sa kanyang noong Marso 25, base sa social media post ng kanyang anak.
Ikinalungkot ito ni Nograles dahil kailangan na kailangan aniya ang karanasan ni Delos Santos sa kampanya laban sa COVID-19 para masiguro na mapangalagaan ang mga tao sa gitna ng kinakaharap na krisis.
“I knew him as someone who’s not afraid to be in the frontline and do the dirty work for his people,” ani Nograles ukol kay Delos Santos na ngayon ay nasa ikalawang termino na bilang vice mayor.
Naging mayor ng Jalajala, Rizal si Delos Santos mula 1994 hanggang 2004.
Kasabay nito, umapela ang mambabatas sa taumbayan na sumunod sa quarantine upang masiguro ang kanilang kaligtasan at hindi na kumalat pa ang nasabing mikrobyo.
“Walang pinipili ang virus na ito. Mayaman o mahirap, nasa gobyerno man o wala, maaaring tamaan ng COVID-19. We have to assume our assigned roles and perform these to the best of our ability. Sa mga kababayan natin, the best thing you can do is stay at home,” ayon pa kay Nograles.
Sa ngayon ay umiiral ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon kung saan ipinagbabawal sa mga tao na gumala, bilang bahagi ng kampanya para makontrol ang paglaganap ng COVID-19. BERNARD TAGUINOD
178 