PINATAOB ng Thailand ang Canada sa tatlong set, 25-19, 25-22, 26-24, sa simula ng Week 2 ng Volleyball Nations League, Martes sa Smart Araneta Coliseum.
Ikinasa ni Pimpichaya Kokram ang 20 puntos mula sa kanyang 19-of-34 attacks, habang pumalo si Chatchu-on Moksri ng dalawang service aces at tumapos na may 17 puntos sa pamamagitan ng 15-of-29 spikes para sa Thais.
Ngayon ay may 4-1 panalo-talong record, nakabalikwas ang Thailand mula sa pagkatalo sa Week 1 sa Ankara, Turkey kung saan na-injure ang kanilang middle blocker na si Thatdao Nuekjang.
Ang magkasunod na kills ni Canadian Emily Maglio ang pumuwersa ng tabla sa 24-24 sa third set, ngunit sa huli ay kinapos sila.
Umabot ang laro sa isang oras at 21-minuto kung kailan nagtala ang Canadians ng 27 errors kumpara sa 11 lamang ng Thais.
Umiskor si Kiera Van Ryk ng 20 puntos, kasama ang siyam sa ikatlong set, nagdagdag si Alexa Grey ng 13 points, habang si Maglio ay may walong markers sa Canada, sumadsad sa 2-3 rekord.
Makikipagrambulan naman ang Tokyo Olympics gold medalist at reigning VNL champion United States sa kanilang unang laban kontra sa Bulgaria ngayong 3pm sa Big Dome.
Kabilang sa US team sina setter Micha Hancock, libero Justine Wong-Orantes, outside hitter Kelsey Robinson at middle blockers Chiaka Ogbogu at Haleigh Washington, spikers Annie Drews at Jordan Thompson.
Makakatapat naman ng China, No. 3 sa pinakabagong women’s world rankings, ang Belgium saktong 7pm. (DENNIS IÑIGO)
227 