Wag makulit, ‘di lulusot! DROGANG IKINUBLI SA CAM BULILYASO

Ni JOEL O. AMONGO
HINDI nakalusot sa sanib-pwersang pagbabantay ng   (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang panibagong tangkang pagpuslit ng mga ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Sa mapanuring mata ng mga kawani ng BOC-Port of Clark at mainam na intelligence network ng PDEA, Enforcement and Security Service (ESS) – Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), silat ang isang kilong shabu na sadyang ikinubli sa loob ng apat na CCTV cameras na nakatakda sanang ilipad patungo sa Auckland, New Zealand.
Bukod sa pagkumpiska ng tumataginting na P6.1-milyong halaga ng droga, nakatakda namang tuntunin ng PDEA ang mga taong sangkot sa tangkang pagpupuslit ng nasabing droga.
Ayon kay BOC-POC District Collector Alexandra Lumontad, nakatanggap ng isang impormasyon ang kanilang tanggapan hinggil sa export shipment ng drogang idineklara bilang “CCTV Camera and Video Recorder.”
Bunsod nito, agad na nakipag-ugnayan ang ESS-CAIDTF Export Unit at CIIS para pigilin ang nasabing shipment na agad namang isinailalim sa physical examination sa harap ng mga kinatawan
ng iba’t ibang ahensya. Dito na tumambad ang anim na pakete ng pinaghihinalaang shabu na inilagay sa loob ng mga CCTV cameras.
Sa PDEA Chemical Laboratory Analysis Report, kumpirmadong shabu ang nasabat ng mga operatiba.
Agad ding nagpalabas ng isang Warrant of Seizure and Detention si Lumontad laban sa nasabat na shipment batay na rin sa probisyong nakapaloob sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Muli namang binalaan ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga nagtangkang magpuslit ng anumang iligal na epektos, kasabay ng pagtitiyak na hindi na makakalusot sa kanilang mahigpit na pagbabantay ang mga ito.
105

Related posts

Leave a Comment