KUNG papayagan nang makabiyahe ang mga provincial buses patungong Maynila at pabalik sa mga lalawigan o vice versa ay ‘wag na sana silang pahirapan ng gobyerno.
Marami kasing nag-react sa dami ng inilatag ng gobyerno bago payagan ang mga pasahero na makapagbiyahe.
Kabilang sa mga ito ay ang travel pass, valid ID, consent na pagsailalim sa COVID-19 testing at iba pang dokumento ng ticket.
Kailangan din daw makuha ang trip ticket ng pasahero dalawang araw bago siya makabiyahe o mas maaga pa sa pamamagitan ng online facility o sa mismong bus terminal.
Dapat din magsuot ng face mask at face shield ang pasahero alinsunod sa mga protocol na ipinapatupad sa mga pampublikong sasakyan.
Papayagan naman daw ang mga bus na bumiyahe na may valid at existing certificate of public convenience o aplikasyon ng validity nito.
Dapat din daw may QR code na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa mga bus.
Bawal naman ang pagbaba at pagsakay sa anumang parte ng provincial route maliban sa itinalagang stopover points at terminal nila.
Ang rekomendasyon naman ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines ay dapat terminal to terminal ang baba ng mga pasahero.
Halimbawa mula sa terminal sa Baguio, diretso sa bus terminal sa Cubao, walang pickup points along the way. Pakay raw ng ganitong rekomendasyon ng mga bus operators ay upang ma-check nila ang requirements ng mga pasahero.
Pero ang pangunahing inaalmahan ng mga pasahero ay ang sobrang dami ng kailangan bago sila makabiyahe. Ayon sa kanila, sapat na sana ang face mask, face shield, physical distancing at dobleng pag-iingat para makaiwas sa hawaan ng COVID-19 habang nasa biyahe sila.
Masyado raw na pahirap sa mga ordinaryong mamamayan ang mga requirements na hinihingi ng gobyerno. Hirap na nga sila sa buhay dahil matagal na silang mga walang kita dulot ng COVID-19 ay kung anu-ano pa ang kailangan kunin para lang makapagbiyahe.
Gastos na naman sa halip na kanilang baon pag-luwas mula sa probinsiya ay mababawasan pa ng pambayad sa pagkuha ng mga requirements na kailangan ipresenta sa mga bus na kanilang sasakyan.
“Kung ganun din lang parang hindi rin kami pinayagan ng gobyerno na makabiyahe paluwas ng Maynila”, hinanakit pa ng isang pasahero sa PUNA.
Sabi pa ni Mang Tonio na barber, masyadong masalimuot ang gustong mangyari ng gobyerno sa mga gustong magbiyahe. “Pahirap ito sa mga mahirap,” dagdag pa niya.
Pwede namang simplehan lang ang kailangan basta hindi malalagay sa alanganin ang kalusugan ng mga pasahero.
“Hindi kaya masyadong Over Acting (OA) ang mga nagpapatupad ng ganyang klaseng patakaran?,” tanong pa ni Mang Tonio.
“Parang sinabi lang na may biyahe na ang provincial buses, pero parang ayaw naman payagan kasi sa dami ng mga kailangan bago payagan na makasakay”, banggit pa ni Mang Tonio.
May punto ang mga sumbong sa PUNA, bakit nga naman sobrang daming kailangan kunin bago makasakay sa mga publikong bus patungo dito sa Metro Manila at pabalik.
May nagbiro pa nga sa PUNA, Sir ano ba yan naga-apply kami ng trabaho?
Sana ikunsidera rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang sinasabi ng mga apektadong pasahero.
Ingat-ingat din pag may time kasi nariyan pa ang veerus nakaabang lagi ng kanyang dadapuan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
125
