DALAWANG araw mula ngayon ay kokoronahan ang mananalong Best Player of the Conference sa katatapos lang na Philippine Cup bubble sa idaraos na PBA Awards Night.
Inaasahang ang magagawaran ng karangalan ay hindi isang mamamayan ng bansa mula sa kanyang kapanganakan (natural-born) at nagtataglay ng purong dugong Pilipino, kundi isang manlalarong kalahati ay dugong banyaga at kalahati ay Filipino (Fil-foreigner).
Tatlo sa limang itinuturing na pinakamalalakas na kandidato para sa BPC – Bobby Ray Parks Jr. ng Talk ‘N Text Tropang Ciga, Stanley Pringle ng Barangay Ginebra, at Matrthew Wright ng Phoenix Super LPG Fuel Master – ay pawang mabibilang sa kategorya ng mga manlalarong Fil-foreigner.
Sa tatlo, si Ray-Ray Parks Jr., 27 anyos, anak ng pitong beses naging Best Import ng liga na si Bobby Parks sa Pilipinang si Marifer Celine Barboisa, ay isinilang sa Paranaque, Metro Manila at maituruting na natural-born, bagama’t namulat sa larong basketbol sa Melrose High School sa Los Angeles bago nag-kolehiyo sa National University sa Maynila.
Siya ang lumabas na lider sa statistical points matapos ang bubble, kahit pa na-injure sa unang laro pa lamang ng Philippine Cup Finals series laban sa Gin Kings, na naging malaking hadlang para sa minimithing kampeonato ng kanyang koponan.
Si Pringle, 33, ay pang anim lamang sa statistical points, pero naging arkitekto sa panalo ng Kings, mula sa elimination round tungo sa unang All-Filipino title ng Ginebra makaraan ang 13 taon.
Si Wright, 29, isang Filipino-Canadian, ang naging katulong ni Calvin Abueva bilang sparkplug ng Fuel Masters sa bubble. Naglaro si Wright ng college basketball sa St. Bonaventure University.
Bukod sa tatlo ay kandidato rin para sa pinakamataas na individual award si Abueva, na nakabalik mula sa mahigit isang taong suspensyon at naglaro na animo walang nangyari at pinangunahan ang Fuel Masters hanggang sa semifinal round ng Philippine Cup.
Kasama rin sa kanila si Roger Pogoy na teammate ni Parks sa Tropang Giga, at dating shooting champion CJ Perez ng Terrafirma.
Ang mga pararangalan ay malalaman sa pamamagitan ng statistical points at boto ng lahat ng manlalaro ng 12 koponan, media, at Commissioner’s Office. Nagsimula ang botohan noong Enero 5 at natapos noong Enero 11.
Sumegunda si Abueva kay Parks sa statistical points na sinundan nina Perez, Wright at Pogoy, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Dahil sa pandemyang dala ng COVID-19, pinaigsi ang ika-45 season ng PBA sa isang kumperensya, sa halip na tatlong torneo sa kada taon.
Pati ang award para sa Outstanding Rookie (dating Rookie of the Year) ay dominado rin ng mga Fil-foreigner na sina Aaron Black na anak ni Meralco coach Norman Black, at Roosevelt Adams ng Terrafirma. Kasama rin sa mga kandidato sina Arvin Tolentino ng Ginebra, Barkley Ebona ng Alaska, at Aris Dionisio ng Magnolia.
Para sa parangal sa Most Improved Player, ang mga kandidato ay sina Justine Chua at Jason Perkins ng Phoenix, Prince Caperal ng Ginebra, Javee Mocon ng Rain or Shine, Raul Soyud ng NLEX, at beteranong si Reynel Hugnatan ng Meralco.
Samantala, ang mga aspirante sa Samboy Lim Sportsmanship Award ay sina Abueva, Perez, Scottie Thompson ng Ginebra, Kevin Alas ng NLEX, at Gabe Norwood ng RoS.
Hihirangin din ang mga miyembro ng Outstanding/Elite Five kapalit ng dating Mythical Five selection.
Walang Mythical Second Team at All-Defensive Teams sa nakaraang PBA bubble.
175
