BANTAY-DAGAT sa paliparan? Ito marahil ang dahilan sa likod ng panawagan ng ilang mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) na ibalik sa kanilang “mother unit” ang Philippine Coast Guard (PCG) personnel na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Paglilinaw ng mga opisyal ng paliparan, walang bulilyaso ang mga nakatalagang bantay-dagat sa paliparang pinangangasiwaan.
Gayunpaman, angkop lang anilang pabalikin ang PCG personnel kung saan sila higit na kailangan – sa mga karagatan.
Bukod sa NAIA, daan-daang PCG personnel ang naka-deploy sa iba pang paliparan, mga bus terminal at maging sa mga istasyon ng tren sa Metro Manila.
Anila, lubhang mahirap ang sitwasyon ng PCG personnel na natutulog na lang sa mga tent sa isang bahagi ng parking lot ng paliparan, walang maayos na palikuran at pinagkukunan ng malinis na tubig na pamatid-uhaw, pangluto at pampaligo man lang.
Nalalagay rin umano sa peligro ang PCG personnel na natutulog sa malamok na bahagi ng paliparan.
Buwan ng Hulyo nang tuluyang inalis ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang mga restriksyon sa NAIA – hudyat na ‘di na kailangan pa ang mga bantay-dagat sa naturang paliparan. (FROILAN MORALLOS)
