ILANG araw matapos ilabas ng husgado ang mandamiento de arresto, sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang sikat na komedyante na nahaharap sa kasong rape at acts of lasciviousness na nakahain sa Metropolitan Trial Court sa lungsod ng Taguig.
Ayon kay Atty. Alma Mallonga na tumatayong abogado ng akusadong si Ferdinand “Vhong” Navarro, mananatili ang aktor sa kustodiya ng NBI hangga’t hindi pa aprubado ng husgado ang P36,000 na inilagak bilang piyansa.
“Gagawin natin ‘yung kailangan nating gawin. Mag-isyu dito ng certificate of detention. Si Mr. Navarro ay mapapasailalim ng custody ng NBI hanggang ma-approve ang kanyang bail,” ani Mallonga.
Nag-ugat ang mandamiento de arresto sa isang insidenteng naganap may walong taon na ang nakakaraan, sa dokumentong kalakip ng isinumiteng asunto, noong Enero 22, 2014 nang gulpihin umano ng ilang kalalakihan (kabilang ang negosyanteng si Cedric Lee at sinasabing nobyang si Deniece Cornejo) ang aktor.
“Ito ang basehan kung bakit merong serious illegal detention and grave coercion charges against Ms. Cornejo at Mr. Cedric Lee at iba pa. Siya (Vhong) ang biktima. Nung nagsampa siya ng kaso biglang sinabi ni Cornejo na ni-rape pala siya. Hindi ito totoo,” giit ng abogada ng komedyante.
Buwan ng Abril taong 2018 nang ibasura ng Department of Justice (DOJ) ang petisyong inihain ni Cornejo na kumukwestyon sa resolusyon ng kagawaran kaugnay ng kasong rape na bwelta ng modelo. Base sa naturang resolusyon na inilabas Setyembre 2017, wala nakikitang matibay sa basehan ang DOJ para sampahan ng kasong rape si Navarro.
Agosto 22 ng kasalukuyang taon nang baliktarin ng Court of Appeals (CA) ang DOJ resolution kasabay ng paglalabas ng direktiba sa Taguig Prosecutor’s Office para sa pagsasampa ng kasong rape at acts of lasciviousness laban sa aktor. (RENE CRISOSTOMO)
