SINUPORTAHAN ni Senador Win Gatchalian ang pagsusulong ng Department of Energy (DOE) sa pagtataguyod ng pasilidad ng Waste-To-Energy (WTE) sa bansa.
Ang naturang hakbang ng DOE na nakasaad sa isang circular ay naaayon sa panukala ng senador na “Waste-To-Energy Act” (Senate Bill No. 1789) na naglalayong magtatag ng regulatory framework para sa mga pasilidad na gumagamit ng WTE technology para sa wastong pamamahala ng basura.
Dahil sa suportang ibinibigay ng pamahalaan, naniniwala si Gatchalian na ang pagpapatibay ng teknolohiyang WTE bilang isang paraan ng maayos na pagtatapon ng mga basura at isang uri ng mapagkukunan ng renewable energy (RE) sa bansa ay maaaring makaakit ng atensyon ng mga namumuhunan sa sektor ng enerhiya. Ang matagal nang problema sa basura ay lalo pang pinalala ng sangkatutak na medical wastes simula nang magkaroon ng pandemya dulot ng COVID-19.
“Ang pagtataguyod ng teknolohiyang WTE ay dapat magsilbing hudyat sa mga local government units na makahikayat ng mga posibleng mamuhunan dito at pag-aralan kung paano sila makakapag patayo ng mga pasilidad ng WTE sa kanilang mga nasasakupan,” ani Gatchalian.
Ang pagtatayo ng mga plantang WTE, ayon sa Senate Energy Committee Chairperson, ay hindi lamang makatutugon sa dumaraming ilegal na tapunan ng basura dahil na rin sa lumalalang dami ng basura na hindi na kinakayang itambak sa mga landfill. Ito rin ay maaaring maging sagot bilang isang paraan ng pagsisiguro ng mapagkukunan ng sapat na suplay ng enerhiya. (ESTONG REYES)
181
