ISANG ga-higanteng “volcanic tsunami” ang labis na pinangangambahang maganap sakaling umabot na sa alert level 5 ang status ng pag-aalburoto ng bulkang Taal sa Batangas.
Ito ang ibinabala ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) dahil sa nakikitang mga indikasyon sa nabanggit na bulkan.
“Yung volcanic tsunami po, pwede po natin i-expect sa panahon na mag-intesify pa po lalo ‘yung pinapakita ng Taal ngayon sa alert level 5,” pahayag ni Phivolcs Supervising Science Research Specialist Winchelle Sevilla makaraan ang emergency meeting ng Taal Volcano inter-agency coordination sa Tagaytay.
Sa huling ulat kahapon ay nananatiling nasa Alert level 4 ang bulkang Taal, ibig sabihin ay posibleng sumabog pa ito ng mas matindi at mapanganib sa susunod na mga oras o araw.
Inirekomenda na ni Sevilla ang total evacuation sa mga residente na naninirahan sa tabi ng baybaying-lawa sa paligid ng Taal.
Ang “volcanic tsunami” ay nangyayari kapag ang “caldera” o crater nito sa ilalim ng lawa ay ma-displaced dahil sa biglaang pagtaas ng lebel ng magma na inilalabas ng bulkan.
Samantala, patuloy na lumolobo ang bilang ng mga residenteng inililikas mula sa mga bayan sa paligid ng Taal Lake.
Bandang alas-3:00 ng madaling araw ng Lunes ay naglabas ng lava fountains ang bulkang Taal kasabay ng tone-toneladang abo na kumalat sa mga kalapit na lalawigan kasama ang Metro Manila na posibleng sundan ng “ex-plosive eruption,” ayon sa Phivolcs.
“Napakabilis ng pagbabago ng kanyang kondisyon,” pahayag ni Phivolcs Director Renato Solidum kaya itinaas sa Alert Level 4 ang sitwasyon.
Ayon naman kay Philippine Army 2nd Infantry Division commander at acting Southern Luzon Command chief Maj Gen Arnulfo Marcelo Burgos, umaabot na sa 24,000 residente ang kanilang nailakas sa may 73 evacuation centers sa 24 siyudad at munisipalidad sa buong Batangas at kalapit na bayan ng Laguna.
Umaabot sa 36 military vehicles at 456 na sundalo ang itinalaga ng Philippine Army sa massive evacuation na ginagawa simula pa nitong Linggo.
Ayon kay Mgen Burgos, patuloy itong lolobo habang tumataas ang antas ng alerto at babala ng Phivolcs.
Sa report na ibinahagi ni Solidum sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), ang ng pagbuga ng lava sa crater ng bulkan nitong Lunes ay manipestasyon ng pag-akayat ng namumuong magma na siyang inaantabayanan ng nasabing ahensya.
Ayon din kay Sec. of National Defense Delfin Lorenzana, pinaghahandaan nila ang worst case scenario tulad ng nangyari sa Pinatubo eruption. (JG TUMBADO, JESSE KABEL)
