TINATAYANG aabot sa P266 milyong halaga ng ipinuslit na sigarilyo ang sinira ng Bureau of Custom, bahagi ng kanilang mahigpit na kampanya kontra cigarette smuggling sa Zamboanga City.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, isinagawa ng Bureau of Customs Port of Zamboanga ang pagsira sa mga nakumpiskang sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P266,067,363.00, bilang patunay ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling at economic sabotage.
Pinangunahan nina BOC Enforcement Group Deputy Commissioner Nolasco K. Bathan (Ret.) at Port of Zamboanga District Collector Elenita A. Abaño, ang isinagawang destruction sa bulto-bultong smuggled products.
Tampok sa kaganapan ang mensahe ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno na binasa ni Deputy Commissioner PBGEN Nolasco K. Bathan.
Isinagawa ang aktibidad sa Virgo 8 Tech and Waste Management Services, OPC, Barangay Manicahan, Zamboanga City, kasama ang mga kinatawan mula sa mahahalagang ahensya ng pamahalaan at mga stakeholder, upang matiyak ang transparency at pananagutan.
Kabuuang 5,069 master cases, 2,620 reams, at 32 pakete ng iba’t ibang sigarilyo ang sinira sa aktibidad. Ang mga ito ay nakumpiska sa iba’t ibang operasyon kaugnay sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), partikular sa Seksyon 1113 at 1145, at alinsunod sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Commissioner Nepomuceno na ang aktibidad ay hindi lamang simpleng pagsira ng ilegal na produkto kundi isang matibay na hakbang ng pamamahala.
Kanyang binigyang-pansin na ang smuggling ay nagpapahina sa kita ng pamahalaan, sumisira sa patas na kompetisyon, at naglalantad sa mga mamimili sa hindi regulated products.
Nagbabala pa si Nepomuceno na walang puwang sa merkado ng Pilipinas ang mga kalakal na pumapasok sa bansa nang labag sa batas. Kasabay ng pagtiyak ng kanilang tuloy-tuloy pagbabantay sa lahat ng port of entry at mga hangganan ng bansa.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni District Collector Abaño na ang pagsira ay patunay ng matatag na paninindigan ng Bureau na ipatupad ang batas sa customs at pigilan ang paglaganap ng ipinagbabawal na mga produkto sa merkado.
Kanyang binanggit na ang mga nakumpiskang sigarilyo, ilan sa mga ito ay nasira na dahil sa matagal na pagkakaimbak, ay sinisira alinsunod sa Order of Condemnation No. 03-2026 at umiiral na mga legal na pamamaraan.
Kanyang kinilala rin ang mahalagang papel ng Philippine Navy at mga katuwang na ahensya sa matagumpay na pagkakasamsam ng mga kontrabando.
(JESSE RUIZ)
97 