XXXIII Games of the Olympiad sa Paris, pinaghahandaan na ni EJ Obiena

FAILURE is not failure to reach your goal. Real failure is a failure to reach as high as you possibly can.

Ito ang leksiyong natutunan ni Filipino pole vaulter Ernest John Obiena kay Dr. Robert Schuller, isang Amerikanong Christian evangelist, pastor, motivational speaker at author.

Si EJ, sa kanyang mga magulang, kapatid, kamag-anak at teammates, ay matatandaang nagkaroon ng impresibong paghahanda para sa kanyang kauna-unahang pagsabak sa 2020 Summer Olympic Games na ipinagpaliban ngayong taon sa Tokyo dala ng COVID-19 pandemic.

Nang matapos ang kada ika-apat na taong Palaro, ang tubong Barrio Obrero, Tondo ay nabigong makapag-uwi ng medalya na nagdulot ng pag-aalinlangan sa kanyang kakayahang maging kauna-unahang Pinoy pole vaulter na makapag-uwi ng Olympic medal.

Mahabang landas ang tinahak ni EJ patungong Tokyo. ­Nagsimula siya sa ilalim ng mahigpit na ­athletics program ng Unibersidad ng Santo Tomas hanggang maging miyembro ng national team. Sa kanyang patuloy na pagsisikap para mapagbuti ang sarili ay naabot niya ang 5.80 metro o higit pa na paulit-ulit na nagdala sa kanya sa medal podium sa iba’t ibang international competitions.

Oo, nakapasa siya sa elimination round at nakarating sa finals ng Tokyo Olympics, ngunit nahirapan siyang pantayan o higitan ang kakayahan ng mga world-caliber pole vaulters, na karamihan ay tinalo niya habang naghahanda siya sa quadrennial Games.

Pang-11 lamang ang inabot ni EJ sa Olimpiyada kung saan ang pinakamataas niyang natalon ay 5.75 metro, na labis niyang dinamdam.

“I was down after Tokyo, questioning what had happened. Why was I not performing as well as I should have (when) I believe I could have?

That haunts me,” pagtatapat ni EJ sa kanyang amang si Emerson, dati ring hari ng pole vault sa bansa nang kanyang kapanahunan, at inang si Jeanette na dating hurdler.

Sa kabutihang palad, batid ni EJ kung paano makababangon sa ‘bangungot’ ng Tokyo Games.

“I just needed to have some kind of sign that I’m actually capable, that I’m actually okay, I’m ­actually good, that I’m actually able to do all of this,” wika ng naghahari sa pole vault sa Asya sa kanyang mga magulang, na nakapanayam naman sa telepono ng reporter na ito.
Ilang linggo lamang ang nakalilipas makaraan ang Olympics, pinatunayan ni EJ sa torneo sa Europa na kaya niya talagang makipagsabayan at higitan pa ang pinakamagagaling na pole vaulters sa mundo.

“Puwede na sana siyang umuwi dito sa Pilipinas upang kahit sumandali ay makapiling niya kami at kanyang mga kapatid, tulad nang ginawa ng mga nakalaban sa Olympics. Pero sa halip, he opted to stay in Formea, Italy where he said he can easily participate in competitions scheduled in the European Circuit in preparation for several international tournaments scheduled next year where the country is committed to take part in,” wika nina Emer at Jeanette.

“Besides, with the present situation in the country brought about by the pandemic, mahirap umuwi kasi baka ‘di na siya makabalik sa Italy,” giit ni Emerson.

Kabilang sa mga pinaghahandaan ni EJ ang ipinagpalibang 31st Southeast Asian Games, Asian Games Track and Field Championships at World Cup of Athletics na lahat ay nakatakdang ganapin sa 2022.

Defending champion siya sa SEA Games at Asian Championships.

Ngunit pinakamahalaga para kay EJ ang 2024 Olympic Games sa Paris, kung saan ang Pilipinas ay unang lumahok noong 1924.

Makaraan ang kanyang pagkabigo sa XXXII Games of the Olympiad, anim na paligsahan na ang nilahukan ni EJ kung saan nakatapos siya sa top 5 o nakatuntong sa medal podium. Pinakamataas niyang inabot ay sa 2021 Golden Roof Challenge sa Innsbruck, Austria kung saan sinira niya ang Philippine at Asian record books sa isang gold-medal performance nang magawa niyang talunin ang 5.93m.

Binasag ni EJ ang dati niyang national record na 5.91m na nagawa sa Wanda Diamond League noong Agosto, at Asian record na 5.92m ni Igor Potapovich ng Kazakhstan noong 1998. Dahil dito, ang “Pinoy Flyer” ay umakyat sa No.5 sa world pole vault rankings.

“I needed to measure that I can actually pull this off and I want to have some sense of accomplishment this season because the biggest competition was Tokyo and it wasn’t pleasant. Therefore I really needed this badly,” katwiran ni EJ. “That’s why it means a lot to me, more than anything else.”

169

Related posts

Leave a Comment