WALANG kahirap-hirap na nailipat ng isang sinasabing ampon ng isang may-kayang pamilyang Tsinoy ang hindi bababa sa P45.75-milyong halaga ng salapi at iba pang ari-arian ng isang kumpanya, sa Pasay City.
Base sa 10-pahinang reklamong isinampa ni Mariano Nocom Jr. sa Pasay City Prosecutor’s Office, kasong qualified theft ang inihain laban sa limang opisyal ng Salem Investment Corporation (SIC), kabilang ang isang Albert Nocom na umano’y nagpanggap na tagapagmana ng yumaong business tycoon na si Mariano Nocom Sr.
Pasok din sa asunto maliban kay Albert, sina Caroline O. Nocom-Ng, Matthew Nocom, Martin Nocom at Helen Sy-Lim na pawang board members at corporate executive ng nasabing kumpanya.
Giit ng batang Mariano, wala siyang kamalay-malay na halos masimot na ang lahat ng salapi at pag-aaring matagal na inalagaan at pinaunlad ng kanyang ama.
Sa kanyang salaysay na kalakip ng inihaing kaso, lumalabas na nagkuntsabahan umano ang mga suspek para isagawa ang pagnanakaw sa kumpanyang pinundar ng kanyang ama.
Ayon pa sa reklamo, nagawang i-withdraw ng mga suspek ang salapi ng kumpanya mula sa Metropolitan Bank and Trust Co. (Metrobank) nang walang pahintulot sa kanya, matapos siyang patalsikin sa puwesto nang walang sapat na basehan.
Kabilang naman sa mga isinumiteng ebidensya ang sipi ng mga dokumento ng mga bank withdrawal ni Sy-Lim sa utos ni Albert at ng iba pang mga sangkot na pawang kamag-anak din nila.
Si Sy-Lim umano ang gumawa ng mga voucher, tseke at mga dokumentong naging daan para maka-withdraw ng milyong –milyong halaga mula sa bangko.
“The proceeds of the withdrawals were used to apply for cashier checks made payable to themselves and appropriated by the respondents for their own personal use without the consent of and in breach of the trust and confidence of Salem,” lahad ni Mariano Jr.
Bagama’t isa siya sa lehitimong tagapagmana, nagtataka si Mariano Jr. kung paanong nagawang manipulahin ng mga akusado ang mga dokumento at nagawa ang aniya’y iligal na pagkuha ng pondo ng kumpanya.
Hindi man tanyag, kabilang ang yumaong taipan (Mariano Sr.) sa hanay nina Henry Sy, John Gokongwei at Lucio Tan na pawang tagumpay sa negosyong pinagsikapang paunlarin sa kanilang pagdating sa bansa noong 1900s.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, walang piyansang kalakip ang kasong qualified theft para sa mga kasong kinasasangkutan ng P50,000 o higit pa.
