PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
POSIBLE nga ba ang ‘Silent Chinese Invasion’ na hindi gaanong pinapansin at binibigyan ng atensyon ng ating pamahalaan?
Ilang beses ko rin naman na itong tinalakay sa pitak na ito e mukhang dedma or wako sey ang ating pamahalaan.
Narinig n’yo na marahil ang kwento ng ating mga Lolo at Lola sa biglang pagdating noon ng mga Japanese sa maraming dako ng bansa noong taong 1940s na ‘di gaanong pinansin at binigyan ng atensyon ng ating mga lider noon.
Tulad ng mga ginawa ng Intsik na pagnenegosyo ng taho, bakal, bote at dyaryo noon na kahit na nakatitikim ng diskriminasyon, walang angal ang dumayong mga Hapones.
Marami pala sa mga pumuntang Hapones sa bansa noon ay mga espiya; mga may ranggo sa Japanese Army at palihim na nagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa politika, ekonomya at military. Kaya madaling nasakop ng Japanese army ang Pilipinas sa pagsiklab ng WWII nang tumanggi tayo na sumapi sa Asia Co-Prosperity Program ng Japan.
Isa na pala ‘yon sa “silent invasion” ng Japan, at posible na maulit ito sa hinaharap.
***
Noong mga nakaraang hearing sa Senado nang ipinatawag ang ilang opisyales ng Bureau of Immigration (BI), sinabi ng mga ito sa kanilang testimonya umano ay libo-libong Chinese araw-araw ang nakapapasok nang walang hassle dahil sa tong at korupsyon. Up to now, milyon-milyong piso ang kapalit ng bawat isang ‘high value personality (HVP)” na pinapapasok ng Bureau of Immigration (BI) sa bansa.
May tanong: Posible nga ba na ang mga HVP na ito ay maaaring takas na bilanggo o sundalong Chinese na may lihim na misyon sa bansa?
Noon pa ito nangyayari, pero mas dumami ang mga Chinong ito nang mag-operate ang pagtatayo ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na kailanganing kumuha ng Chinese, Taiwanese at Pilipino POGO workers sa maraming lungsod sa Metro Manila at kalapit na probinsya.
Sa pagdami noon ng POGO workers, siyempre dala rin nila ang kanilang bisyo: prostitution, money laundering, at posibleng marami sa kanila ay hindi lang karaniwang manggagawa, katulad ng balitang isinahimpapawid noong mga nakalipas buwan at taon na ang ibang mga naarestong Chinese at hindi lang ilegal na Pogo worker ay mga hinihinalang sundalo o opisyal ng People’s Liberation Army ng China.
Tanong ulit: Nandito nga ba ang mga Chinese para magtrabaho o para mag-espiya?
O ang misyon ba nila ay gawing sentro ng kanilang sindikatong kriminal ang Pilipinas?
‘Wag sanang maulit ang “silent invasion” ng Hapones sa pagdami ng dayuhang Chinese sa bansa.
***
May malaking pagkukulang dear readers, ang ating awtoridad partikular ang intelligence community ng ating PNP at AFP at ng mga itinalagang “political and military attache” sa ating mga embahada sa China, Taiwan at iba pang bansa. Bawat Philippine embassy ay mayroon tayong itinatalagang “military at political officer” para mapangalagaan ang ating national security laban sa kriminalidad mula sa ibang bansa.
Natutulog ba sa pansitan ang mga “military and political attache” natin sa China, Taiwan at iba pang bansa? Sus, por dios por santo, paano nakalusot ang illegal Pogo workers. “Wag lang isisi ito sa mga bata-bata ng mga taga-Immigration. Noon pa ay uso na sa BI ang daan-daang libo at milyon-milyong pisong suhol bawat ulo ng pinalulusot na ilegal na dayuhan at high value personalities.
‘Di ba dear readers, noon ang pinalulusot ay mga Bumbay na ngayon ay kay-yayaman sa ilegal na hulugang 5-6. Ngayon, kung hindi kikilos nang maagap ang ating pulisya at militar, hindi malayo na mangyari ay mamayagpag ang mga sindikatong kriminal at prostitusyon, kidnapping na pinatatakbo ng mga dayuhang Chinese, sanabagan!
Kaya para sa atin ay hindi sapat na kasuhan lamang at sibakin ang tiwaling BI officials na kasangkot sa suhulan at korupsyon. Dapat ay pigain sila dahil posibleng may kinalaman din ang mga travel and promotions agency, POGO owners at operators sa pamamayagpag ng mga kriminalidad sa bansa. At malay natin, o baka lang naman na may Chinese PLA officials na nakatanim na sa maraming lugar sa bansa,
***
Totoo naman ang ginagawang mga hakbang at deklaradong kampanya ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. laban sa mga sindikatong kriminal pero kung ang mga opisyal naman ng gobyerno ay papatay-patay o tutulog-tulog, o kaya ay kasabwat ng mga sindikato ng mga dayuhang kriminal, magiging kaawa-awa ang Pilipinas.
‘Di ba nabalita pa dati ‘yung nakatatakot na milyon-milyong dolyar na cash na galing China, Taiwan, Hong Kong at iba pang lugar ang malayang naipapasok at naipupuslit sa ating mga paliparan at mga pantalan. Dapat nang bulatlatin, itiwarik kung kinakailangan ang mga opisyal at tauhan ng Immigration, Bureau of Customs at ang mga kasangkot sa PNP, AFP at ang Anti-Money Laundering Council na inaatasan na ipatupad ang mga probisyon ng Republic Act No.9160 (Anti-Money Laundering Act of 2001). At ang RA No. 10168 (Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012).
Kung ang mismong mga ahensya at pinagkakatiwalaang opisyal ni PBBM ay nakalubog sa katiwalian, ano ang ating maaasahan kundi ang patuloy na paglaganap ng korupsiyon at kriminalidad sa ating bansa.
Kinakailangan na po PBBM, na bantayan na ang mga lokal na pamahalaan, bakit ika n’yo?
Kasi po Mahal na Pangulong Marcos, nakatatakot na may mga local civil registrar na kasabwat ng mga sindikatong kriminal – na kapalit ng malaking halaga, nagiging “instant Filipino” ang isang dayuhang Chinese o ‘yung bang tinatawag na ‘Pekeng Pinoy’.
Kapalit ng malaking halaga dear readers, nagkakaroon ng birth certificate ang isang dayuhan na gamit ay pangalan ng isang patay na Pilipino, susmaryosep!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.
189 