ZALDY CO NAMAYAGPAG PANAHON PA NI GMA

SIKAT na sa mga kontrata ng gobyerno si resigned Congressman Zaldy Co mula pa noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. At ngayong nasa gitna siya ng kontrobersiya, nagkakaisa na ang iba’t ibang political party sa Kamara kabilang ang Minority bloc ni Minority Leader Marcelino Libanan sa panawagan na umuwi na si Co at personal na patotohanan ang kanyang mga alegasyon laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa privilege speech ni Caloocan Rep. Edgar Erice, sinabi niyang hindi basta isinasantabi ang mga akusasyon ni Co ngunit dapat siyang maglabas ng ebidensya at sagutin ang mga butas sa kanyang video statement. Aniya, kung totoong may anomalya, dapat may pangalan at detalye, hindi puro parinig at video drops.

Ipinunto ni Erice ang alegasyon ni Co na inatasan siya ng mga opisyal ng Malacañang na magsingit ng P100 bilyon sa Bicam ng 2025 national budget. Pero tanong niya: bakit walang nabanggit ukol sa papel nina dating Senate President Chiz Escudero at Sen. Grace Poe na kasama sa pagbuo ng budget? “Kalokohan naman na nakapag-insert ng P100 billion pesos na hindi nila alam, subalit pinirmahan nila ito,” buwelta ni Erice.

Mas tumindi pa ang tanong ni Erice kung bakit inabot lang ngayon ang pagsabog ng video ni Co eksakto sa panawagang “transparency rally” ng Iglesia ni Cristo. “Ano ang tunay na motibo sa paglalahad ng katotohanan o pagpapabagsak sa gobyerno ni Pangulong BBM?” Giit niya, hindi nila kinakampihan ang Pangulo, pero hindi rin sila papayag sa anomang “extra-constitutional manipulation.”

Hindi rin raw kapani-paniwala ang pag-angkin ni Co na wala siyang nakuhang kita sa P25 bilyong ‘dumaan lang daw’ sa kanya bilang komisyon sa P100 bilyong insertions. “Zaldy Co, you are a direct participant in these budget manipulation. In fact, I find it hard to believe that you have not benefited from it. Panahon pa ni Pangulong GMA sikat ka na sa government contracts,” matapang na pahayag ni Erice.

Samantala, nakiisa na rin si Senador Bam Aquino sa panawagan na umuwi si Zaldy Co. Giit niya, ilantad na ni Co ang buong katotohanan sa maanomalyang flood control projects at kontrobersyal na budget insertions. Iginiit ng senador na dapat managot ang mga sangkot, mabawi ang pondo ng bayan, at magpatupad ng reporma laban sa katiwalian. Kabilang na rito ang isinusulong niyang Senate Bill No. 1506 o CADENA Act na mag-uutos sa lahat ng ahensya na i-upload online ang lahat ng dokumento sa budget gamit ang isang digital platform.

Sa huli, kasabay rin ng mainit na isyu kay Co ay ang panukalang pagbabawal sa mga contractor at negosyanteng may kontrata sa gobyerno na tumakbo bilang party-list representative. Sa ilalim ng House Bill 6193 ng Makabayan bloc, tatanggalin na ang mga hindi kabilang sa marginalized sector lalo na ang mga may political at economic interests. Mula sa mga dating mayor hanggang sa ex-police at military officials na kakaretiro lang, posibleng ma-ban na silang lahat sa party-list system. Panawagan ng Makabayan, panahon nang ibalik sa tunay na sektor ang party-list, hindi sa mga makapangyarihang personalidad.

(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

88

Related posts

Leave a Comment