NASABAT ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang ₱95.2 milyong halaga ng shabu at naaresto ang isang 23-anyos na drug courier sa isang operasyon sa Lipata Port, madaling araw ng Marso 14.
Ang operasyon ay pinangunahan ng PDEA Regional Office 13 sa ilalim ni Regional Director Laurefel P. Gabales.
Ayon sa ulat, bandang 4:45 ng umaga nang isagawa ng Seaport Interdiction Unit–Surigao ang operasyon matapos makumpirma ang natanggap na intelligence report.
Narekober mula sa suspek ang 14 na pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 14 kilo, na itinago sa reserbang gulong ng sasakyan.
Bukod dito, nasamsam din ang isang metallic gray Toyota Hilux, isang android cellphone at ang gulong na ginamit sa pagtatago ng ilegal na droga.
Ang suspek, na residente ng Taguig City, ay kakasuhan ng paglabag sa Section 5 (Transportation of Dangerous Drugs) ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Binigyang-diin ni Gabales na ang matagumpay na operasyon ay bunga ng pinaigting na koordinasyon ng iba’t ibang law enforcement at maritime security units sa pagbabantay sa mga pantalan laban sa pagpasok ng ilegal na droga.
(JESSE RUIZ)
108 