DNA TEST HAMON SA ‘HEREDERO’ NG TYCOON

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

SA hangaring tuldukan ang usapin sa husgado kaugnay ng kung sino ang higit na may karapatan sa mga  ari-arian na iniwan ng kanyang ama , hinamon ng panganay na anak ng yumaong business tycoon na si Mariano Nocom Sr. ang aniya’y nagpapakilalang kapatid niya na sumalang sa isang DNA test.

Bilang pambungad, kusang-loob na nagpresenta sa Pasay City Regional Trial Court si Mariano Nocom Jr., panganay na anak ni Mariano Sr. para unang sumalang sa DNA test.

Subalit sa halip na tanggapin ang hamon para sumalang sa parehong DNA test – iginiit ni Albert Nocom na sapat na ang kanyang birth certificate bilang patunay ng kanyang pagiging tunay na anak ng namayapang taipan.

Ilang beses na rin siyang hinamon na magpa-DNA test para matapos na ang isyu sa kanyang tunay na pagkatao at pagkakakilanlan subalit patuloy ang pagtanggi at pagmamatigas umano ni Albert.

Sa limang pahinang “manifestation” na isinumite sa Pasay City RTC Branch 117, nagpahayag naman ng pagkadismaya si Mariano Jr. sa naging tugon ng nagpapakilalang kapatid niya.

“Palaging sinasabi ni Albert na tunay na anak siya ng father ko (Mariano Sr.), pero ayaw naman niyang sumalang sa DNA test. Ano ba meron sa DNA test na parang kinatatakutan niya,” dismayadong pahayag ni Mariano Jr.

Paglilinaw ni Mariano Jr., ibibigay niya ang angkop na parte ni Albert sa naiwang yaman ng yumaong negosyante kung lalabas sa DNA test na magkadugo sila.

Paliwanag naman ni Atty. John Domingo Ponce na tumatayong abogado ni Mariano Jr., hindi kailanman naging konklusibong ebidensya sa korte ang birth certificate, bilang patunay ng pagiging magkadugo ng magkabilang kampo kaugnay ng isinampang kaso ng mga tunay na anak laban sa anila’y nagpapanggap lang.

“Albert continues to dodge the challenge for him to take a DNA test. Albert insists (and verified under oath) that he is a biological and legitimate child of Mariano Nocom Sr. It is amusing how Albert desperately clings on to his birth certificate as proof that he is the biological and legitimate child of the late business tycoon,” ani Atty. Ponce.

Ani Ponce, ang birth certificate ay isa lamang prima facie evidence at walang kakayahang magbigay ng konklusibong katanggap-tanggap na patunay sa husgado, base na rin sa mga pagpapasya ng Korte Suprema sa mga kahalintulad na kaso.

Una nang pinabulaanan ng mga nabubuhay pang kapatid ni Mariano Sr. ang giit ni Albert Nocom na siya’y kadugo at tunay na anak ng yumaong business tycoon, batay na rin sa sinumpaang testimonyang isinumite sa korte nina Anita at Dominga Nocom.

“Si Albert ay kilalang-kilala sa aming angkan bilang ampon ng kapatid namin (Mariano Sr.) at ng kinakasamang si Anacoreta. Hindi na siya sanggol nang dumating sa buhay ni Mariano Sr. at Anacoreta, bata na.  Wala nga siyang nakuhang pagkakahawig man lang sa kapatid namin,” saad nina Dominga at Anita sa kanilang testimonya.

“Kaugalian sa aming pamilya ang ipagdiwang ang kapanganakan ng mga anak, lalo pa kung lalaki. Kaya kung tunay na anak talaga ng kapatid namin si Albert, bakit wala siyang ganung pagdiriwang ng kapanganakan? Hindi nga siya ipinakilala sa amin bilang anak. Ang pakilala lagi sa amin ni Mariano Sr. at Anacoreta kay Albert ay ampon nila,” dagdag pa ng dalawa.

Taliwas din anila ang nakikitang asta ni Albert sa lehitimong miyembro ng pamilya Nocom. Giit ng mga kaanak na dumalo sa pagdinig sa korte, simple at hindi magarbong tulad ni Albert ang nasirang Mariano Sr.

“Ang totong Nocom, low-profile. Walang yabang. Hindi tulad ni Albert, gumagamit ng mga magarbo at mamahaling sasakyang may wang wang pa at ni walang plaka ang mga luxury cars niya,” sabi ng isang kamag-anak.

Mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang paggamit ng mga sirena sa mga pribadong sasakyan, gayundin ang paggamit ng walang plakang sasakyan.

Related posts

Leave a Comment