PAGTITIPON NG MGA HIGANTENG SPORTS MEDIA

0

SPORTS FEATURE Ni EDDIE ALINEA

ISANG buwan bago ang pagtutuos ng nagtatanggol na kampeong si Muhammad Ali at humahamon sa kanya na si Joe Frazier, nagdatingan ang mga dayuhang mamamahayag sa Maynila at nagsimula na rin ang mga ulat sa iba’t ibang bansa kaugnay sa nalalapit na laban para sa world heavyweight crown.

Sa kauna-unahang pagkakataon, ang 15-round na paghaharap ni “The ­Greatest” at ni “Smokin Joe” ay mapapanood sa Moscow sa pamamagitan ng delayed telecast, ayon na rin sa bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos kay Games and Amusements Board chair Luis Tabuena sa pakikipag-ugnayan kay international promoter Don King.

Tunay nga na ang ­pangatlong laban ng dalawa na tinawag na Thrilla In Manila, Super Fight III at Fight of A Life Time ay natala sa kasaysayan ng sport ng sweet science na isang malaking pagtitipon ng mga higante sa pamamahayag sa palakasan.

Bago pa dumating ang dalawang magkatunggali ay nasa Manila International airport na ang mga batikang sports mediamen na sina Ronald Bachelor ng Reuters, Peter Vincent Bonventre ng Newsweek at Mark Kram ng Sports Illustrated.

Sunod na dumating ang mga batikang manunulat na sina Red Smith at Dave Anderson ng New York Times; Will Grimsley at Ed Schuyler ng Associated Press; at Milt Richman at Bob Stewart ng United Press International.

Kasabay na bumaba sa eroplanong sinasakyan ni Ken Norton, isa sa mga ­naging sparring partner ni Frazier na bumasag sa panga ni Ali sa una nilang laban, ay sina Jerry Izenberg, Newark Star Ledger; Tom Cushman, Philadelpiha News; Dick Schaap, Sports Magazine & Washington Star News; Milt Dunnel, Toronto Star; Bob Wright, Philadelphia Bulletin.

Kasama rin sa naturang Philippine Airlines fight sina Ed Ingles, CBS Radio; Bill Furlong, Washington Post, Bob Waters, Newsday; Tom Dilustro at Skip Myslenski, Philadelphia Bulletin; Ed Kolanovsky, AP; Jerry Lisker, National Star; Jim Jacobs, Alice Kwartler, Steve Lott at Sherry Feldman, Big Fights Inc.; Erik Ell, Springer ­Publishing; Ben Wett, German T.

Ganoon din sina Rolf Svenson, Alfonblader Sween; Frank Zuba, Big Fights Inc.; Susan Faust; Today Magazine; Wardell Quitman, Gordon Paterson, Don King Productions; Joe Flaherty, Curt Gunther, Camera 5; Franz Wagner, News Revue, Germany; at Sam Skinner, Syndication ng San Francisco.

Agad silang dinala ng special reception committee sa bagong renovate na Bayview Plaza sa tapat ng U.S. Embassy sa Roxas Boulevard na malapit lamang sa Manila Hilton, ang opisyal na tirahan ng kampeon sa United Nations Ave.

Dating tinawag na Bayview Hotel, sa Bayview Plaza makikita ang panoramic view ng Manila Bay at kanyang napakaganda at tanyag sa buong mundo na sunset.

Hindi kukulangin sa 120 silid (sa kabuuang 300 rooms ng hotel) ang nireserba para sa mga dayuhang mamamahayag.

Ang Bayview Plaza ang naging pangunahing tahanan ng mga reporter habang sila ay nasa Maynila at ­naging auxiliary press center, bukod sa main press center sa Philam Life building, sa UN Ave.

Sa ika-10 palapag ng hotel naroon ang lugar kung saan nagsasagawa ang ­international press ng ­panayam araw-araw. Information ­officers na karamihan ay tauhan ng Department of Public

Information ang namahala ng main press center 24/7.

Bagamat ang siyudad ay maraming nagkalat na lugar para mag-good time habang nagi-interview, isang Ringside Bar sa Philam main press center at isa pa sa Bayview ang inilaan para sa mga nauuhaw na mediamen.

Sa main press room ay may mga nagsisilbi ng mga inuming may kaugnayan sa boksing tulad halimbawa ng Ali’s punch, Rope-a-Dope orange, Manila Gorilla vodka, TKO brandy, Knockout rhum; bukod pa sa regular lemon, pineapple at calamansi juice, at milk and syrup.

Ang mga inuming Round One Drink, Joe’s Knockout punch at Lambanog na ­garantisadong walang hangover ang lumabas na pinaka-popular sa foreign press.

Noong araw na si Red Smith at mga kasama ay dumating, 356 na mga Pilipinong newsmen na ang nabigyan ng accreditation para kumober araw-araw sa Thrilla In Manila.

Read More

PACMAN-MCGREGOR FIGHT, KINUMPIRMA; POSIBLENG HULING LABAN NA NG PAMBANSANG KAMAO!

0

NAGPAHIWATIG ang kampo ni Senador Manny Pacquiao ng posibleng pagreretiro nito sa boksing makaraang kumpirmahin na isinasapinal na ang laban ng Pambansang Kamao at ni Conor McGregor na posibleng mangyari sa unang bahagi ng 2021.

Sa pahayag ng special assistant ni Pacquiao na si Jayke Joson, may isang taon nang nag-uusap ang kampo ng dalawang boksingero para sa tinawag nitong ‘one epic last fight’.

“Almost a year nang nakikipag-usap ang Team McGregor through Mc Gregor Manager Audi Attar. Naputol lang dahil sa COVID at nag-usap ulit nung birthday ni Mc Gregor,” salaysay ni Joson sa Senate Media.

“Lawyers na ang nag-final ng contract details. But both fighters are getting ready for this one epic last boxing fight,” dagdag nito.

Sinabi ni Joson na bagama’t pinaplantsa pa ang detalye ng kontrata, posible itong mangyari sa Middle East.

“So it’s really happening Pacquiao vs Mc Gregor,” diin pa ni Joson.

Ipinangako rin ni Joson na anumang kikitain sa laban ay ilalaan ng Pambansang Kamao sa pagtulong sa mga Filipino na apektado ng COVID 19.

“Yung kikitain diyan eh maitulong niya sa mga Filipino na naapektuhan ng COVID, mas yun ang binigyan niya ng importansya kaya lalaban siya ulit next year,” paniniyak pa ni Joson.(Dang Samson-Garcia)

Read More

Ilang raw bago mag-Thrilla, hiniwalayan si Ali ng asawa

0

SPORT FEATURE Ni EDDIE ALINEA

NAGSIMULA ang ­problema ni Muhammad Ali nang dumating siya sa Maynila noong ­Setyembre 13, 1975 para ipagtanggol ang kanyang world heavyweight title laban sa challenger na si Smokin’ Joe Frazier.

Sa halip maipagtanggol ang korona, naunang nawala ang kanyang maybahay na si Belinda Boyd (Khalila) ilang araw bago ang nakatakdang laban noong Oktubre 1 ng nasabi ring taon.

Hiniwalayan ni Belinda si Ali nang isama nito ang kalaguyong si Veronica Porche sa Maynila. Madalas magkasama ang magsing-irog sa mga sosyalan at mga piging.

Lumala ang gawak sa buhay may-asawa ni Ali nang magbigay galang sila ni Frazier kina ­Pangulong Ferdinand Marcos at Unang Ginang Imelda Romualdez-Marcos sa Palasyo ng Malakayang.

Kasama si Veronica sa Palasyo kung saan ­ipinakilala ito ni Louisville Lip sa Pangulo bilang kanyang misis na ikinagulat ng American media na nakakaalam na hindi ito ang kanyang maybahay.

Natural na pinagpiyestahan ng media ang nangyari na nauwi sa isang malaking iskandalo. Naglabasan ang balita sa lahat ng mga pahayagan, napanood sa telebisyon at narinig sa radyo sa buong mundo ng sumunod na araw.

Wika ng isang reporter, mas nahigitan pa nito ang nalalapit na laban nina Ali at Frazier.

Nabalitaan din ito ni Belinda na sa matinding kahihiyan ay agad bumili ng plane ticket papuntang Pilipinas. Nang dumating siya sa Manila International Airport ay dumiretso siya sa Manila Hilton (ngayon ay Holiday Inn) na tinutuluyan ni Ali.

Nagulat ang lahat ng nasa silid ng kampeon na noon ay nagdaraos ng impromptu press conference, nang walang kaabog-abog na pumasok si Belinda at umuusok ang bibig na pinagmumura at pinagsisigawan ang asawa.

Labas lahat ng nasa kuwarto, kasama ang mga miyembro ng media na wala nang narinig kundi ang kalabugan ng mga nababasag na gamit na duda namin ay ipinupukol ni Belinda sa kanyang kabiyak.

Pagkatapos ng away, agad ding lumabas si Belinda, kumuha ng ­sasakyang papunta sa airport at lumipad pabalik sa Estados Unidos ng araw ding iyon.

Hindi pa nagaganap ang laban, na tinawag na “Thrilla In Manila,” nabalitang nag-file sa korte ng divorce si Belinda.

Nalaman ng inyong lingkod sa isang kasama sa kampo ni Ali, si Veronica pala ay nakilala ng kampeon sa Africa sa laban niya kay George Forman at mula noon ay kasa-kasama na sa mga biyahe nito sa iba’t ibang bansa.

Lumabas pa ngang panalo si Belinda, pangalawang asawa ni Ali kung kanino ay may apat siyang supling, sa ­nangyaring gulo. Ito ay matapos ­igawad ng korte ang ­milyon-milyong halaga ng bahay na tinitirhan nilang mag-iina, bukod pa sa buwanang sustento.

Read More

Pangulong Marcos, nagreperi kina Ali at Frazier

0
SPORTS  FEATURE Ni EDDIE ALINEA

KAHIT sa harap nina Pangulong Ferdinand Marcos at Unang Ginang Imelda Marcos ay hindi napigil sa tungayawan sina Muhmmad Ali at Joe Frazier nang bumisita sila sa Makanyang, ilang araw bago ang nakatakdang pagtutuos nila noong Oktubre 1, 1975 sa Philippine Coliseum.

Unang dumating sa Palasyo si Frazier at kanyang team alas-10:20 ng umaga. Makalipas ang sampung minuto ay dumating din si Ali at mga kasama.

Unang pinapasok sa study room ng Pangulo ang grupo ni Ali. Nang sumungaw sa pinto ang challenger ay agad nagpa-tutsada ang kampeon: “I didn’t kow Frazier is comin’, it surprised me. I can’t stand trouble here. You see, Mr. President, everywhere we meet in the ring there’s violence.”

Pabirong inawat ni Marcos ang dalawa. “Keep your distance from each other,” wika nito.

Nang sabihin ni Ali na narinig niyang ang Pangulo ay nagboksing noong nasa kolehiyo pa, sumagot ang Punong Ehekutibo ng: “I was to practice the sport as an amateur when I still weighed 112 pounds. That should make me a bantamweight.”

Ipinakilala ni Ali ang kanyang amang si Cassius Marcelius Clay Sr. at winika: “This is a very great President.”

Nang mapatingin ang Presidente sa katabi ni Ali na si Veronica Porche, ipinakilala niya ito na asawa niya na ikinagulat ng kanyang kampo at foreign media.

May asawa na kasi si Ali, si Belinda Boyd (Khalila) na naiwan sa Amerika para alagaan ang kanilang tatlong supling.

Sinabi ng Pangulo kina Ali at Frazier na karangalan niyang tumayo bilang reperi dalawa na ikinatuwa ng magkabilang kampo at tinatayang 100 pang mga panauhin.

Pinuri kapwa ng kampeon at challenger ang anila’y “wonderful facilities for the fight and the marvelous people manning them.”

Pagpasok ni First Lady na nakasuot ng pink chanel-length dress, halatang nabighani si Ali at sinabi sa Pangulo na: “You’d better guard you wife, Mr. President, I know Joe Frazier. I respect you more now than I did before. Looking at your wife, I can say that you’rer not that dumb. You certainly know how to pick ’em.”

Sagot naman ng Presidente, “I could see that you’re not far behind.” Na sinamantala ni Smokin Joe na binalingan si Veronica, “well, you’ve got two more weeks to be the champion’s wife.”

Bago lumisan ay binigyan ni Frazier ang Pangulo ng Smokin’ Joe t-shirt na may autograph.

“I’m not sure this will fit me” ani Marscos na nagpasalamat. “But I have a son who’s about 18. He’s in Oxford and he’s also learning how to fly,” na ang tinutukoy ay ang anak na si Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Read More

All bad news reported about the Philippines are lies – Muhammad Ali

0
SPORTS FEATURE Ni EDDIE ALINEA

ISA sa mga naging tampok na kaganapan mula nang dumating sa Maynila ang nagtatatanggol na heavyweight world champion na si Muhammad Ali at humahamong si Joe Frazier para sa nakatakda nilang laban noong Oktubre 1, 1975 sa Araneta Coliseum (bininyagang Philippine Coliseum) ay nang pumunta sila sa Palasyo ng Malakanyang.

Kasama sa opisyal na itineraryo ng dalawa ang pagbisita sa Palasyo para magbigay galang kay ­ Pangulong Ferdinand ­Marcos at kanyang kabiyak, First Lady Imelda Marcos.

Makasaysayan ang pangyayaring ito dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkasama sina Ali at Frazier sa iisang lugar nang hindi sila magtatagis ng kaalaman at lakas sa napili nilang propesyon.

Idagdag pa na sa pagkikitang ito ng dalawa at ng Pangulo ng bansa at Unang Ginang ay naibulalas ni Ali ang aniya’y mga ­kasinungalingang naiulat ng media laban sa Pilipinas at mga Pilipino bago siya tumungo sa Maynila.

Naipangako pa ni Ali na pagbalik niya sa Estados Unidos pagkatapos ng ­paghaharap nila ni Smokin Joe sa parisukat na tinaguriang Thrilla In Manila, na”I will spread the news about how great Filipinos are” at lahat ng mga sinabi sa kanya tungkol kay Pangulong Marcos at sa kanyang “New Society” ay pawang kasinungalingan lamang.

“They’re all but lies … lies … lies. Nothing but lies,” pagtutuwid ni Louisville Lip sabay turo sa mga piling dayuhang media men na dumalo sa okasyon.

Ipinagtapat ng kampeon na marami siyang kaibigang nagpayo sa kanya na huwag nang tumuloy dito dahil nanganganib ang buhay niya. “I was told that there was shooting on the streets and fighting, people getting killed and that Filipinos are no good.”

“They said they (Filipinos) hate me. I am Muslim and they are killing Muslims. It’s just like Hitler.

Lying dogs, ­lying people,” pagdidiin niya na ang tinutukoy ay ang ­foreign press. “Foreign news reports pictured the ­Philippines in a bad light.”

“White men and even my own Muslim brothers told me about those horrible stories about the Philippines. I told them I will believe it when I see for myself. And what I have seen is the exact opposite,” aniya.

Sa panig ng laging mahinahong magsalitang si Frazier sa isang inihandang pahayag: “It’s been a great pleasure to be here in the country. From the time I have been herer, I already enjoy myself.”

“The people here are great, fine people. I heard so much about the people here in Mania and I would say, they’re all true. I hope you will enjoy the fight. I believe I will be the best champion,” ani Frazier.

Read More

Danny Floro: “Coach Baby disciplines the players, I spoil them”

0

KUNG si coach Baby Dalupan ng Crispa ang siyang nagdidisiplina sa mga manlalaro ng koponan ng Floro and Sons mula noong 1962, si Danny Floro naman ang taga-spoil.

“Yeah, Baby disciplines them, I spoil them,” humahagikgik na pagtatapat ni Redmanizers team manager/owner kung bakit nagtagal ng halos 25 taon ang kanilang samahan, na naging pinakamatagumpay sa kasaysayan ng basketbol sa Pilipinas.

Di kukulangin sa 22 korona ang nakolekta ng tambalang Floro-Dalupan, mula nang magsama sila hanggang sa magretiro si Baby noong 1984 upang aniya’y makapagpahinga na sa basketbol at gugulin ang nalalabi pang buhay niya sa pamilya.

Subalit hindi natanggihan ni Baby ang isa pang matalik na kaibigang si Ignacio “Iggy” Gotao ng Great Taste, ang koponang binigyan niya ng limang kampeonato sa PBA mula 1984 hangang 1987, bago siya lumipat sa Purefoods na hinandugan niya ng isa pang kampeonato noong 1991.

Tunay na ang tambalang Floro-Dalupan ang pinakamaraming napanalunang titulo mula amatyur hanggang pro. Ito rin ang pinakamatagal sa kasaysayan ng world basketball.

Sa organisasyon ng Crispa, ang coach ang may otoridad sa komposisyon ng koponan. Si Baby ang may kapangyarihan kung sino ang papalitan at kung sino ang kukunin. Kahit si Boss Danny, walang pakialam.

At dahil sa ganitong set-up, napanalunan ng Redmanizers ang kauna-unahan nilang kampeonato – ang National Seniors – noong 1970 o walong taon mula nang hawakan ito ni Baby.

Nakamit nila ang titulo sa National Seniors ng walang talo (13-0), na sinundan ng matagumpay na kampanya sa MICAA, President’s Cup at Challenge to Champions.

Mula rito ay dinomina ng Redmanizers and lahat ng torneong sinalihan nila, hanggang sa sumama sila sa siyam pang koponang nag-organisa ng kauna-unahang ligang propesyunal sa bansa at maging sa Asya man noong 1979 — PBA.

Ang Redmanizers din ang kauna-unahang koponang nagwagi ng Grand Slam sa PBA kaya’t tinagurian silang “Team of the Decade.”

Salamat sa napakahigpit na disiplinang ipinatupad niya sa kanyang mga manlalaro. Walang makababali sa kung anong gustuhin ni Baby para pasunurin ang lahat sa kanyang utos.

Walang superstar kay Baby at maaga itong nalaman ng kanyang mga manlalaro, mula sa popular na si Atoy Co hanggang kay Rey Franco.

Maging ang 6-9 import na si Cyrus Mann na naging istrumento sa maraming koronang nasungkit ng Crispa ay hindi nakaligtas sa mapanuring mga mata ni Baby.

Nang minsang mahalata ni coach na ayaw maglaro ng kanyang import ng gaya ng inaasahan sa kanya, agad niya itong kinumpronta sa harap ng kanyang mga teammate at pinagsabihan: “You can pack now and go home to your country. We don’t need a guy who has no interest in playing the game.”

Nagbagong bigla ang ugali ni Mann sa laro mula noon.

Read More

BAKIT TINAWAG NA “THRILLA IN MANILA” ANG ALI-FRAZIER III?

0

SA loob ng limang taon, mula sa unang paghaharap nila sa parisukat na lona sa Madison Square Garden sa New York noong Marso 8, 1971 hanggang sa huling pagtutuos nila sa Maynila, patuloy na hinamak ni Muhammad Ali si Joe Frazier na tinawag niyang Uncle Sam, pangit at walang muwang na utusan ng white America.

Ang pinakamatinding pang-aapi ng tatlong beses na ­kampeon sa heavyweight sa daigdig sa kanyang challenger ay nangyari noong 1975, bago siya dumating sa Pilipinas para sa laban nila noong Oktubre 1, ng nasabing taon.

Ang winika ni Ali sa pagkakataong iyon ay: “It will be a killa and a chilla and a thrilla when I get the gorilla in Manila.” Pahayag na bumuhay sa bansag na “Thrilla in Manila” na ibininyag sa 15-round na laban.

Apatnapu’t limang taon (45) na ang nakalilipas mula nang mamutawi sa labi ni Ali ang mga katagang iyon, ang “Thrilla in Manila,” na tinawag ding “Super Fight III” at “Fight of the Century,” ay nananatili hanggang ngayon bilang pinakamayamang laban sa kasaysayan ng boksing, at naging testamento ni Ali sa pagiging “The Greatest Heavyweight of the Millennium.”

Para kay Frazier, na nanalo sa unang laban nang pabagsakin si Ali sa huling 15-round ng laban nila noong 1971 at muntik maulit noong 1974, isang okasyon ang Super Fight III para ipagmalaki na isa siya sa mga “Boxing Immortal,” gaya ng kanyang pangunahing karibal at mga dakilang sina John L. Sullivan at “Brown Bomber” Joe Louis.

Para sa Pilipinas, minsan pang napatunayan ng bansa at ng mga Pilipino ang kakayahan nilang matagumpay na magdaos ng isang malaking kaganapan tulad ng ­Thrilla in Manila.

Isang pagkakataon ito para isulat muli ang pangalang Pilipino sa mapa ng palakasan sa daigdig gaya ng ginawa ni Pancho Villa, ang kauna-unahan sa buong Asya na nagkampeon sa boksing.

Dalawampung buwan matapos ang Ali-Fraizer III, ang Pilipinas, partikular ang Maynila, ay naging laman ng mga balita sa mundo–salamat kina Ali, Frazier at sa pamahalaan ni Pangulong

Marcos na ginawa ang lahat ng paraan upang maisakatuparan ang makasaysayang laban.

Ang pamahalaang Marcos, sa tulong ni First Lady Imelda Marcos, wika nga ng mga panauhing dumalo sa naturang laban, “left no stone unturned” upang tanghalin ang Thrilla in Manila na “The Most Memorable Sports Event” sa bansa.

Ang airconditioned na Araneta Coliseum ay bininyagang ­Philippine Coliseum para sa laban, ay pinaganda pang lalo upang ­masiguro na lahat ng manonood, na ­tinatayang umabot sa 30,000, ay maging komportable.

Ang Pilipong reperi, si movie personality Carlos “Sonny” Padilla Jr., ang naatasang maging third man in the ring samantalang tatlong naggagandahang PIlipina– Pinky Alberto, Evelyn Abrigo at

Fatima Infante– ay napiling round girls ng lupon ng mga hukom na pinamunuan ni GAB chairman Luis Tabuena mula sa 25 na mga kandidata.

Ang popular broadcaster na si Ronnie Nathanielz ang nahirang na press liaison ni Ali. Ang manunulat na ito na noon ay sports editor ng Philippines News Agency, ang tumupad ng tungkulin para kay ­Frazier.

Read More

THRILLA IN MANILA: Masaya, tensiyonadong pagdating nina Ali at Frazier

0
SPORTS FEATURE Ni EDDIE G. ALINEA  

ANG “battle of nerves” sa pagitan ng dalawang heavyweight na sina Muhammad Ali at Joe Frazier ay nagsimula nang una silang nagharap noong 1971. Mas lalo itong nagdingas sa pangalawang laban nila noong 1974, at nabuhay muli sa kambal na press conference na ginanap sa Kuala Lumpur at New York City noong 1975.

Hulyo at Pebrero 17, 1975 nang ipahayag ni boxing promoter Don King na itataya ni Ali ang kanyang heavyweight crown kulang-kulang tatlong buwan sa nakatakdang paghaharap ng dalawa Oktubre 1 sa Maynila na tinawag na “The Saga of Our Lifetime” o “Super Fight III.”

Sinamantala ni Ali ang dalawang pagkakataon upang muling lapastanganin si “Smokin Joe” sa kanyang pananalita at aksyon. Samantalang si Frazier ay nanatiling tahimik tulad ng nakalipas nilang dalawang laban.

Tumindi ang tensiyon sa pagitan ng dalawa nang tumulak sila sa Maynila, isang buwan bago maglaban. Si Frazier ang unang dumating sa bansa madaling araw ng Setyembre 13, na sinundan ni AIi makaraan ang dalawang araw.

Maliban sa anak niyang si Marvis, wala ng iba pang kasamang miyembro ng pamilya ang challenger. Ang kanyang maybahay na si Florence at mga anak na babaeng may gulang na 13, 11, 7 at 5, ay susunod sa kanila sa Maynila dalawang linggo bago ang nakatakdang laban.

Kasama rin sa team Frazier ang kanyang manager-trainer na si Eddie Futch, assistant trainer George Benton, at sparring partners Jimmy Young, Stan Ward, George “Scrapiron” Johnson, Joe Gholdston at Dwayne Bobbick.

Kasabay nilang dumating ang dietrician at cook na sina Daisy Channault at Leegrant Pressley, tsuper at right hand Milton Bailey, cutman at security group na binubuo nina Eddie Hurrell, Ralph Taylor, Willie Monroe at Redgemond Lewis.

Bitbit din sa Philippine Air Lines flight na nag-stopover sa Honolulu, ang bagong-bagong Everlast ring na gagamitin sa laban sa Araneta Coliseum (bininyagang Philippine Coliseum).

Opisyal namang binuksan ang main press center na nasa unang palapag ng Philam Life Bldg sa U.N. Avenue, tapat ng Manila Hilton (Holiday Inn) na magiging tirahan ni Ali at mga kasama.

May 84 miyembro ng local media ang inaprubahan na mag-cover ng laban nina Ali at Frazier. Bukod pa rito ang 70 American media at 82 iba pa mula sa iba’t ibang bansa sa Asya at Europa na dumating noong Setyembre 22.

Ang unang live broadcast ng Super Fight III sa Maynila ay napanood sa buong daigdig sa nasabing petsa. Si Hal Conrad ang namahala sa kalahating oras na dokumentaryo tampok ang Philippine Coliseum, training venue na Folk Arts Theater, at ilang bahagi ng Roxas Boulevard. (May karugtong)

Read More

THRILLA 1: PAANO NAGSIMULA ANG AWAY NINA ALI AT FRAZIER?

0
SPORTS FEATURE Ni EDDIE ALINEA

“YOU gotta have a butterfly net to catch me … It’s gonna be a chilla, and a thrilla, when I get the Gorilla in Manila.”

Ito ang mga linyang namutawi sa bibig ni Muhammad Ali na pormal na nagbigay buhay sa “Thrilla In Manila,” ang laban niya kay Joe Frazier para sa pandaigdig na kampeonato sa heavyweight.

Binitiwan ni Ali ang mga salitang ito noong ika-17 ng Hulyo taong 1975 sa New York City, sa press conference kung saan ipinahayag ang paghaharap ng dalawa sa Maynila ng Oktubre 1, ng taong iyon.

Sa harap ng mga miyembro ng media ay inilabas ng 33 taong gulang na kampeon ang isang maliit na laruang gorilya na gawa sa goma at iwinagayway, tanda na nagsimula na ang pandaigdig na publisidad para sa paghaharap nila ni Frazier.

Sa loob ng 74 araw, ang Pilipinas partikular ang Lungsod ng Maynila ay naging laman ng lahat ng pahayagan, narinig sa radyo at napanood sa telebisyon sa buong mundo.

At hanggang sa mga panahong ito, makalipas ang 45 na taon, ang slogan na ginawa ng tinaguriang ‘Louisville Lip’ ay mapapakinggan pa rin na binibigkas ng balana kahit nakamatayan na ng lumikha nito.

Si ‘Smokin’ Joe ay pumanaw noong Nobyembre 7, 2011. Nang sumunod na taon ng Hunyo 3 ay namaalam na rin sa mundong ito si Ali.

Maraming mga kaganapan kaugnay ng dwelo na tinawag ding “Super Fight III” ang nangyari sa mga panahong iyon, na nagsilbing huling kabanata ng makasaysayang trilogy ng dalawang pinakamagaling na boksingero sa balat ng lupa. Naroong lusubin ni Ali ang hotel na tinitirhan ni Joe, may dalang baril at tangkang paputukan ang challenger.

Lahat siyempre ay drama lang para ibenta ang 15-round na matira-matibay na bakbakan nila.

Sa pagbisita ng dalawa sa Palasyo ng Malakanyang, kung saan ay ipinakilala ni dating Cassius Clay ang kasintahang si Veronica Porsche kay Pangulong Ferdinand Marcos bilang maybahay niya, lumikha ito ng malaking iskandalo nang mabalitaan ng tunay niyang asawang si Belinda Boyd (Khalila), na agad lumipad patungong Maynila para komprontahin si Ali.

Iisa-isahing ilahad ng SAKSI NGAYON ang lahat ng mga kuwentong ito sa mga susunod naming mga isyu, mula nang dumating ang dalawang boksingero sa Maynila hanggang sa kanilang paglisan, para sa kaalaman at kasiyahan na rin ng ating mga mambabasa.

Minsan, habang nag-eensayo si Frazier sa Folk Arts Theater ay may nakakita kay Ali na naninilip sa catwalk na naging dahilan para kumprontahin siya ng challenger.

Madalas umanong gawin ni Ali ang pag-eespiya sa kanyang kalaban, ngunit nang minsang mabisto ay hindi na niya inulit ang naturang pandaraya. (May karugtong)

Read More