HINIKAYAT ng NAGKAISA Labor Coalition si Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ang P100,000 ayuda sa health care workers na nasa unahan ng laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Bukod dito, hiling din ng NAGKAISA kay Duterte na bigyan ng P1 milyong suporta ang kani-kanilang pamilya bilang “survivorship benefit” kapag sila ay namatay, banggit ng pangulo ng NAGKAISA na si Atty. Jose Sonny Matula.
Ang nasabing benepisyo ay hindi mapapantayan ang pag-aaruga at pangangailangan ng kani-kanilang pasyente, saad ni Matula.
“Pinanghahawakan natin bilang isang bansa ang pagpapasalamat sa kadakilaan ng mga frontliner sa pamamagitan ng pag-improve nila sa ilalim ng Bayanihan 1,” pahayag naman ni Phoebe Acuril ng Federation of Free Workers (FFW).
Nananawagan din ang NAGKAISA sa pangulo na ipasiguradong naibibigay ang hazard pay ng mga manggagawa sa sektor ng kalusugan. (MARINHEL T. BADILLA)
