Banat ni Recto kay Roque ‘STOP SAP’ SA MECQ AT GCQ, LABAG SA BAYANIHAN ACT

recto33

BINANATAN ng kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Senador Ralph Recto ang tagapagsalita ng pangulo na nagsabing hindi na makatatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) ang mga pinakamahihirap na pamilyang naninirahan sa mga rehiyon at lalawigang tinanggal sa “enhanced community quarantine” (ECQ) simula Mayo 16.

Sabi ni Recto, “Klaro sa records ng debate [ng Senado] that [financial assistance through SAP to the poorest families] should be given in two installments and is not linked to the quarantine status of the place.”

Idiniin pa ng Senate President Pro Tempore na “Hindi sinabi… na kapag downgraded na ang quarantine [from ECQ to modified ECQ or to general community quarantine (GCQ), we abort the grant of scheduled aid.”

Ilang araw na ang nakalipas, hiniling naman ni Senadora Leila de Lima na ipagpatuloy pa rin ng administrasyong Duterte ang pamamahagi ng ikalawang batch ng SAP sa mga pinakamahihirap na pamilya sa bansa kahit pinalitan na ng MECQ ang ECQ sa kani-kanilang rehiyon at lalawigan.

Ang pahayag ng dalawang mambabatas ay reaksiyon sa iwinasiwas ni Atty. Harry Roque sa media kamakailan na 20.3 milyong Filipino ang makikinabang sa ikalawang batch ng SAP.

Sa 20.3 milyon, 12 milyong kabahayan dito ay iyong nakasulat sa orihinal na benepisyari ng SAP, 4.9 milyong kabahayan na hindi nabigyan sa unang batch ng SAP at 3.4 milyong manggagawang pasok sa Small Business Wage Subsidy (SBWS) ng Department of Finance (DOF) na ipinadaan sa Social Security System (SSS), saad ng tagapagsalita ni Duterte.

Ang 16.9 milyon ay makatatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), samantalang ang P5,000 hanggang P8,000 ng 3.4 milyong manggagawa ay manggagaling sa DOF ang ikalawang batch ng tulong-pinansiyal sa kanila.

Maliban sa 3.4 milyon, ang milyun-milyong mga manggagawa sa malalaking kumpanya at mga kumpanyang pag-aari ng mga dayuhan ay wala nang matatanggap na tig-P5,000 pampinansiyang tulong mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, wala nang pera ang kagawaran para bigyan pa ng tulong ang mga manggagawa.

Ipinaalala ni De Lima sa administrasyon na hindi naman otomatikong kikita ang mga pinakamahihirap na Filipino pagkatapos ng ECQ.

Isiniwalat ni Recto na batay sa “opisyal na rekord,” P100 bilyon pa ang hawak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“This should be released pursuant to law. Withholding it is like pulling the financial ventilator of hard up families,” patuloy ni Recto.

Idiniin ng mambabatas mula Batangas ang “Section 4(c) of Republic Act No. 11469 [that] provides an emergency subsidy to around 18 million low income households, with an amount ranging from P5,000 to P8,000 a month for two months.” NELSON S. BADILLA

Related posts

Leave a Comment