(BERNARD TAGUINOD)
“HINDI na nahiya, mali na nga ang ginawa, ipinagyayabang pa.”
Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Ferdinand Gaite sa ipinagyayabang umano ni Special Envoy to China na si Ramon Tulfo na nabakunahan na ito ng Sinopharm vaccine.
Isinulat ni Tulfo sa kanyang kolum sa Manila Times na nabakunahan na ito ng Sinopharm kasama ang ilang gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte at isang senador.
Ayon kay Gaite, ilegal ang ginawa ni Tulfo dahil malamang ay smuggled ang bakunang itinurok sa kanya dahil hanggang ngayon ay hindi pa nag-a-apply ang manufacturer ng nasabing bakuna ng Emergency Use Authorization (EUA).
“Tulfo’s illegal act of self-inoculation and use of smuggled vaccines should be grounds to deny him license for future distribution of Sinopharm vaccines. Hanggang ngayon wala pang bakuna para sa mamamayan, pero itong mga alipores ng pamahalaang Duterte, tuloy-tuloy ang pag-smuggle ng bakuna at VIP vaccination,” ayon sa mambabatas.
Ang Sinopharm ay kabilang sa dalawang COVID-19 vaccine na gawang China at noong nakaraang taon ay nabuko na naturukan na nito ang ilang sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
“Talagang malakas ang loob nilang gumamit ng smuggled vaccines dahil nauna nang pinalusot itong ilegal na vaccination ng PSG. Palulusutin din ba nila itong ginawa ng kanilang Special Envoy? Sasabihin na naman ba nila na mag-move on na lang tayo?,” tanong pa ni Gaite.
Ang mga health worker at iba pang frontliners ay naghihintay pa ng bakuna hanggang ngayon samantalang gumagamit na umano ng mga smuggled vaccine ang mga alipores ni Duterte tulad ni Tulfo.
“Isinisisi ng pamahalaan ang kanilang kapalpakan sa problema diumano sa supply chain, pero apparently they are not encountering problems in the supply of smuggled vaccines. Hindi ito dapat palampasin. Dapat itong imbestigahan, at dapat may managot dito,” ayon pa sa kongresista.
