Role sa distance learning ipaunawa ng DepEd MAGULANG TURUAN DIN – NOGRALES

NANAWAGAN ang aktibong mambabatas ng Rizal sa Department of Education (DepEd) na turuan din ang mga magulang hinggil sa konsepto at praktis ng “distance learning” dahil sila rin naman ay tatayong ‘pangalawang’ guro ng kanilang mga anak sa bagong kaayusan ng edukasyon sa bansa ngayong panahong namemerhuwisyo pa rin ang coronavirus disease-2019 (COVID- 19).

Ayon kay Rizal 2nd District Representative Fidel Nograles: “Since parents will be de facto teachers under the distance learning method, I hope the DepEd has also considered teaching the parents [with the said concept,] so [that] they [would be] aware of their roles under the new system.”

Ani Nograles, dahil sa biglang pagbabago ng praktis sa pag-aaral ng mga estudyante, “crucial” na isyu na magabayan din ang mga magulang sa pagsubaybay at pagmamatyag sa pag-unlad ng kanilang mga anak sa konteksto ng distance learning.

Batay sa DepEd, umabot na sa 11,302,382 mag-aaral ang nagparehistro hanggang nitong Hunyo 16, sa pamamagitan ng “remote or virtual enrollment system” sa pampubliko at pribadong mga paaralan sa elementarya at sekondaryang antas ng edukasyon.

Sa nasabing bilang, 10,941,619 “learners” ang nagpa-enrol sa mga pampublikong eskuwelahan, samantalang 355,045 sa mga pribadong paaralan.

Sa napakalaking bilang na ito na naghahangad matuto sa kabila nang pag-iral ng pandemyang COVID-19 ay iginiit ni Rep. Nograles na kailangang “Turuan din natin ang mga magulang na magsisilbing bagong guro. How do they engage their kids [under the distance learning method], paano nila magagabayan para tutok sa pag-aaral ang mga anak nila?”

Labis na naniniwala ang bagitong kinatawan ng mga residente ng Ikalawang Distrito ng lalawigan ng Rizal sa mababang kapulungan ng Kongreso na napakaraming kakaibang hamon na nakapaloob sa bagong mekanismo ng pag-aaral nang hindi nagaganap sa loob ng silid-aralan, lalo na sa mga magulang.

Sa bagong kaayusan, pihadong mahahati sa dalawang pagkakaabalahan ang mga magulang: trabaho at ‘ikalawang’ guro ng kanilang mga anak, pahayag ni Nograles.

“Napakahalaga na magkaroon ng support mechanism ang mga magulang para sa mga hamon na haharapin sa pag-aaral ng mga anak nila. Magiging susi ito, lalo na sa maliliit na pamilya kung saan nagtatrabaho ang magulang at walang maiiwan para bantayan ang [mga] bata,” paliwanag ni Nograles.

Maliban sa paggabay at pagsubaybay sa kani-kanilang mga anak, hinikayat din ni Nograles ang mga magulang na turuan ang kani-kanilang mga anak ng “life skills that would supplement their formal education,” sapagkat mahalaga at estratehiko ang papel ng life skills sa buhay ng mga bata.

“Now is [the] good time… for the children to learn to become more resourceful. Turuan natin sila para maging maalam sila sa buhay. Pagluluto, pag-aalaga ng halaman, kahit pa pagtugtog ng musical instrument—malaki ang maiaambag ng mga ito sa overall development ng mga bata,” diin pa ni Nograles. NELSON S. BADILLA

Related posts

Leave a Comment