Good governance sa QC peke QCPD NGANGA KAY ‘PERYONG’

0

(NELSON S. BADILLA)

MAITUTURING na peke ang pinaiiral na “good governance” ni Mayor Ma. Josefina “Joy” Belmonte sa Quezon City kung namamayagpag dito ang illegal gambling na kontrolado umano isang alyas “Peryong.”

Madalas igiit ni Belmonte na simula nang maging alkalde siya ng lungsod noong Hunyo 2019 ay good governance ang kanyang pinaiiral sa pamamahala ng pamahalaang lokal.

Dahil dito, inaasahan ng mga residente ng lungsod na walang umiiral at namamayagpag na kahit anong klaseng ilegal na sugal.

Sa kasalukuyan, walang jueteng sa Quezon City dahil walang operasyon ang small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa labis na pananalasa ng coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ang STL ay siyang ginagamit na prente ng jueteng ng jueteng lords tulad nina alyas “Don Ramon” at “Tee Pang.”

Ngunit, ayon sa mapagkakatiwalaang sources ng Saksi Ngayon, hindi pa man nagkakaroon ng COVID-19 na nagpatigil sa operasyon ng STL sa Quezon City at sa napakaraming panig ng bansa ay huminto na ang jueteng operation nina alyas Don Ramon at Tee Pang gamit ang STL dahil ‘hinarang’ umano ito ni alyas Peryong.

Si alyas Peryong ang nagpapasya ngayon sa Quezon City sa larangan ng illegal gambling, ayon sa sources.

Bago maging alkalde si Belmonte, namamayagpag ang jueteng business sa Quezon City ni alyas Don Ramon gamit ang STL bilang prente dahil madaling kausap ang mga dapat bigyan ng lingguhang tara sa Quezon City Police District (QCPD), diin ng sources.

Namamayagpag din ang operasyon niya sa Maynila at Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), patuloy ng sources.

Hindi rin pahuhuli ang STL operation bilang prente ng jueteng ni alyas Tee Pang sa Cubao Area.

Ang pa-jueteng ni alyas Tee Pang ay binobola sa Nepa Q-Mart.

Ngunit, simula nang maging alkalde si Belmonte ay literal na nahinto ang ilegal na negosyo nina alyas Don Ramon at alyas Tee Pang.

Pinaalis din umano ni alyas Peryong ang video karera operation ni alyas “Recto,” pagsasambulat pa rin ng sources ng Saksi Ngayon.
Kaya, nanatiling sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzulea ang VK ni alyas Recto.

Ngayong matindi ang suliranin ng administrasyon ni Belmonte hinggil sa pandemyang COVID-19 ay “Peryang Bayan” at “online sabong” ang pasok at namamayagpag sa Quezon City, paniniyak ng sources.

Si alyas Peryong ang may hawak ng Peryang Bayan, samantalang ang online sabong ay hawak ng isang alyas “Ato.”

Malaki ang paniwala ng sources na mayroong ‘basbas’ si alyas Peryong sa online sabong ni alyas Ato.

Syempre, inaasahang mayroong ‘substansiyal’ na kita si alyas Peryong sa online sabong, bulalas ng sources.

Ito’y dahil hindi naman kokontrolin ni alyas Peryong ang operasyon ng illegal gambling kung wala siyang pakinabang dito.

Dahil sa pamamayagpag ng peryang bayan at online sabong na nakatimbre kay alyas Peryong, nganga ang QCPD sa ilalim ng liderato ni Brig. Gen. Ronnie Montejo.

Inulit at idiniin ng sources na namuhunan si alyas Peryong upang masiguradong makontrol niya ang illegal gambling ng Quezon City.

Sa ngalan ng good governance, naglunsad ng anti-illegal operation si Mayor Belmonte noong Enero ng taong kasalukuyan.

Dahil sa direktiba ni Belmonte at utos mismo ni General Archie Francisco Gamboa bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) kay QCPD Director Ronnie Montejo na linisin ang Quezon City mula sa lahat ng porma ng ilegal na sugal, ‘napilitang tumigil’ sina alyas Don Ramon, alyas Tee Pang, alyas Recto at iba pa.

Mula sa serye ng operasyon ng QCPD, iniulat ni Montejo ang mga taong nahuli sa operasyon laban sa VK at cara y cruz.

Ang mga nahuli ng mga tauhan ng QCPD ay pawang mananaya at bantay lamang.

Ngunit, ayon sa sources, ang nasabing operasyon ay ibinatay sa “payo” at “kahilingan” ni alyas Peryong.

Ito umano ang ‘mapagpasyang hakbang’ ni alyas Peryong upang iparating sa gamblong lords na siya ang ‘hari ngayon’ sa larangan ng illegal gambling sa Quezon City.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment