2022 BUDGET: BINALANGKAS AT IPINASANG MAG-ISA NGA BA NI KAP?

HINDI pa man nalulusutan ang kanyang problema sa Commission on Audit (COA) kaugnay ng hindi maipaliwanag na paggamit ng pondo sa loob ng maraming taon, muli na namang sumabit sa isa pang bulilyaso ang suking Kapitan ng isang barangay sa bayan ng Taytay.

Sa isang pahinang liham na natanggap ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, ikinanta ng mga kaalyadong kagawad ni Kapitan Allan de Leon ang umano’y sukdulang ­awtoritaryanismo ng bruskong opisyal ng pinaka­mayamang barangay sa buong bayang higit na kilala bilang Garments Capital ng bansa.

Pag-amin ni Kagawad Diego Samson, naipasa ang P104 milyong 2022 budget ng Barangay Dolores nang walang nagaganap na sesyon, bagay na aniya’y mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng mga probisyong kalakip ng Local Government Code.

Susmaryosep! Kung walang sesyong naganap, paano kaya nagawa ni Kapitan na ihain sa Sangguniang Bayan ang P104-milyong halaga ng 2022 barangay operating ­budget at supplemental ordinances ng pinakamayamang barangay sa Taytay?

Tama! Sa laki ng budget ng Dolores, mistulang munisipyo sa laki ng pondong laan para sa mga programa at proyekto. Dahil hindi biro ang laki ng pondo, angkop lang marahil na nasa legal at wasto ang  pagbalangkas at pagsang-ayon ng mga miyem­bro ng konseho.

Ang siste, kung hindi pa kumanta ang mga kagawad, hindi pa mabubuko ang bulilyaso. Ang ordinansang budget ng barangay – binalangkas, inihain at inaprubahan ba niyang mag-isa? Kung ganun, ano pa ang silbi ng mga kagawad?

Sa walong kagawad (kasa­ma ang Sangguniang Kabataan­ chairman) ng Barangay Dolor­es, lima ang lumagda sa liham kay Secretary Año. Ang siste, pawang kaalyado ni De Leon ang mga lumagda na wari ko’y naghuhumiyaw ng – TAMA NA, SOBRA NA!

Ang higit na nakababahala ay ang nalalapit na halalan kung saan siya kalahok bilang kandidato sa posisyon ng pagiging alkalde ng Taytay.

Posible kayang magamit ang P104 milyon sa ambisyong maging alkalde ng Taytay? Hindi naman siguro, lalo pa’t batid niyang malaking dagok sa kanyang puntiryang posisyon ang anumang ikasisira niya sa mata ng publiko.

Ang totoo, hindi na bago sa mga kolumnista ang pangalan ni Kapitan Allan de Leon na una nang nasangkot sa diumano’y pagbebenta ng lupa ng pamilya gamit ang mga pinekeng lagda sa dokumento ng mga kapatid ng kanyang yumaong ama.

Maging ang COA, sumuko sa pagmamatigas ni Kap sa mga kuwestyonableng transaksyon, hindi maipaliwanag na kinapuntahan ng pondo at paratang ng mismong mga empleyado ng bulwagang nagsilbi niyang tanggapan mula nang mahalal sa pwesto bilang kapitan ng Barangay Dolores.

Bukas ang ating pitak sa panig ni Kap. Para sa puna, reklamo, suhestiyon at iba pa, ­maaaring makipag-ugnayan sa email add­ress: fernanjoseangeles@gmail.com.
(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI ­Ngayon)

Related posts

Leave a Comment