(NI ANN ENCARNACION)
NANATILING buhay ang tsansa ng Philippine polo team na makapagsukbit ng gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games makaraang talunin ang defending champ Malaysia, Martes ng gabi sa Iñigo Zobel Polo Facility sa Calatagan, Batangas.
Sinorpresa ng national team ang ranked No. 1 na Malaysia nang magtala ng 8.5-4 panalo para pahigpitin ang labanan sa isa sa pinakamatagal na sports sa mundo at kinikilalang sports ng mga hari at reyna, prinsipe at prinsesa.
Ipagpapatuloy ng ating pambansang koponan sa water polo, floorball at polo ngayong araw ang kampanya para sa inaasam na gintong medalya.
Unang sasalang ang men’s at women’s ng water polo kontra Thailand sa alas-10 ng umaga habang makakatapat ng pambansang koponan sa floorball ang Singapore sa women at men’s preliminary round sa ala-una ng hapon.
Ala-una ng hapon rin tatangkain ng polo team ang ikalawang sunod na panalo sa Division A: 4-6 Goals sa Iñigo Zobel Polo Facility.
Samantala kailangang manalo ng mga Pinay sa floorball kontra mas malakas na Singapore upang manatiling in contention para sa gold medal.
Matapos manalo laban sa Indonesia, 8-1, sa unang araw ng kompetisyon, nabigo naman ang nationals kontra Thailand, 6-3 sa sumunod na araw.
Kapwa naman nagtala ng draw sa kanilang laban ang water polo squad kontra Indonesia, at Malditas kontra Myanmar sa football.
