HUSTISYA PARA SA MGA NAPAPAG-IWANANG SEKTOR

FORWARD NOW

NANANAWAGAN tayo sa ating mga kapwa mambabatas sa Kamara na agarang ipasa ang ating panukalang batas upang palawakin ang Public Attorney’s Office (PAO) pati na rin ang batas na magtatatag ng legal aid programs sa mga private at public law schools sa bansa na titiyak sa pagkakaroon ng access sa hustisya ng marginalized sectors o mahihirap nating kababayan.

Sa ilalim ng House Bill No. 4281 o “Public Attorney’s Office Modernization Act of 2019” na isinusulong natin sa Kongreso, mas palalawakin nito ang mandato ng PAO upang isama ang libreng legal na tulong sa mga nagrereklamo o petitioners.

Sa kasalukuyan, ang mandato lamang ng PAO ay sumasaklaw sa pagbibigay ng legal assistance sa mga mahihirap na nasasakdal sa pagkakasalang kriminal, sibil, paggawa, ­administratibo at quasi-judicial cases.

Itinatakda rin sa panukalang ito ang paglalaan ng isang legal na pagtatanggol at pondo ng representasyon sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno, kabilang ang sandatahang lakas, upang matulungan ang mga opisyal at mga empleyado na may mga kasong isinampa laban sa kanila para matanggal sa kanilang mga tungkulin.

Kabilang din sa panukalang batas na ito ang pagtataas ng retirement benefits ng PAO personnel na magi­ging katumbas sa National Prosecution Service sa ilalim ng Prosecution Service Act of 2010, kasama na ang mga susog sa hinaharap.

Inaasahan natin na ang modernisasyon sa PAO ay makatutulong sa hangarin nating mapadali ang pag-access at mas mabilis ang dispensasyon ng hustisya sa mahihirap nating mga kababayan.

Ang House Bill No. 2993 o “Legal Aid Program Act of 2019” na isa rin sa mga isinusulong natin ay naglalayong dagdagan ang mga serbisyong ipinagkakaloob ng PAO at iba pang pampublikong tanggapan na nagbibigay ng libreng legal na tulong dahil sa napakaraming kasong idinudulog sa korte.

Napag-alaman natin na ang PAO sa kasalukuyan ay may higit sa 2,000 abogado lamang kung saan ang bawat isa ay humahawak ng 5,794 na kliyente at 458 mga kaso kada taon at nagmamantine ng isang mandatory legal aid clinic na tutugon sa mga pangangailangan ng mga tao na walang kakayahang kumuha  at magbayad ng pribadong abogado.

Naniniwala tayo na ang paglikha ng isang komprehensibong legal aid program at makatwirang pamantayan para sa mahihirap, partikular sa mga taong hindi nakakamit ang tamang hustisya. Isang paraan ito upang maipakita natin sa publiko na tumatalima tayo sa mandatong nakasaad sa Konstitusyon – na magpatupad ng sistemang pang-hustisya na accessible sa lahat.

 

Read More

OLIGARKIYA NOON AT NGAYON PUNA

PUNA

SILA-SILA ang namamayagpag noon at ngayon. Ang ibig kong sabihin o ang tinutukoy ko ay ang mga oligarko o ­mayayamang tao at negosyante sa Pilipinas na bagaman iilan-ilan ay nagagawang kontrolin ang halos karamihan ng mga negosyo at kapangyarihan sa bansa.

Ang sila-silang tinutukoy natin ay ang mga pamilyang Ayala, Lopez, Pangilinan, at mga katulad nila.

Ang mga negosyanteng ito ay namamayagpag sa kanya-kanyang panahon o sa madaling salita ay may oras na kinakampihan sila ng nakaupo sa adminsitrasyon.

Noon, hindi natinag ang mga Ayala ng ­administrasyon nina dating Pangulong Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo at Benigno Aquino III.

Sa panahon ng ­mag-inang Aquino, namayagpag at naging makapangyarihan ang mga Lopez. Noong simula pa lang nang panunungkulan ni Cory ay nabawi na ang mga kumpanyang dating sinequester ng pamahalaan.

Mula sa pagkabawi, hindi lang nakabangon ang mga Lopez subalit pinasok ng mga ito ang ilang mga kontratang hindi pumapabor sa pamahalaan subalit para lang sa kanilang mga kapakinabangan dahil batid nilang hindi sila tutumba sapagkat nasa likod nila ang mga namumuno sa pamahalaan lalo na ang noon na nasa Malacañang.

Subalit sa panahon ­ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte, madalas ay binabatikos ng pangulo ang isa sa mga pag-aaring ­kumpanya ng Lopez – ang ABS-CBN.

Noon pa man kahit panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, namamayagpag na ang pangalan ni Manny Pangilinan na may-ari ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT). Ang mga Ayala ay kilalang-kilala rin bilang mahuhusay na negosyante kung kaya’t marami silang mga ari-arian lalo na lupa at gusali.

Ngayon, kabilang pa rin sila sa mga prominenteng tao at negosyante sa bansa subalit dahil nabatid ng pangulo ang ilan sa mga kontratang pinasok nila ay nilamangan masyado ang gobyerno, hindi na iyon ­pinalampas ni Presidente Duterte kung kaya’t hinahamon ng ­pangulo ang mga negosyanteng ito na sagutin nila ang mga akusasyon laban sa kanila.

Kailangang patunayan ng mga oligarkong ito na wala silang ginagawang masama at hindi nila nilalamangan ang kanilang kapwa.

Kaso, masyadong ­malinaw pa ang mata at isip ng pangulo kung kaya’t batid nitong may mga kalokohang ginawa ang mga oligarkong ito bukod pa sa masyadong ginulangan ang pamahalaan.

Kaya naman hindi niya pinalampas ang mga ginawa ng mga ito sa kontrata sa pamahalaan, ipinabusising mabuti at saka ibinuking ang kalokohan ng mga bugok na negosyante na nais rin ­yatang pahirapan na mabuti ang mga mamamayan.

Pero kung mahusay ang serbisyo ng mga kumpanyang binabanatan ni Pangulong Duterte malamang ang mamamayan ay kakampi sa mga kumpanyang ito.

Kaya lang, tulad ni Pangulong Duterte, ang mamamayan ay hindi nasisiyahan at hindi masaya sa mga serbisyong kanilang ipinagkakaloob sa bayan.

Lamang, parang ang nais namang paboran ni Presidente Duterte ay kaibigan din niya na tulad ng ilang kumpanyang kanyang binabanatan ay hindi rin naman maganda ang serbisyong ­ibinibigay sa lugar na kanilang napagtayuan ng negosyo.

Yun nga lang sa pinakahuling survey, nangunguna na sa pinakamayamang tao sa Pilipinas si dating ­Senador Manny Villar at pumangalawa na lamang ang may-ari ng SM na si Henry Sy.

At para sa kaalaman ng nakararami, nakalulua po ang kanilang mga yaman.

-oOo-

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com.

 

 

Read More

KALIGTASAN NG OJT GARANTIYAHAN

FORWARD NOW

Inihain ng inyong lingkod sa Kamara ang House Bill 5652 o Intern’s Rights, Welfare and Benefits Bill na naglalayong makabuo ng national framework para sa seguridad at pangangalaga sa mga Interns partikular sa kanilang mga karapatan, kapakanan at tamang benepisyo.

Kasi nga nakita ko na karamihan sa mga interns ay mula sa sektor ng mga kabataan na dapat tinatamasa ang lahat ng mga karapatang iginawad sa kanila ng 1987 Konstitusyon at ng iba pang mga batas.

Batay sa Saligang Batas, dapat itaguyod at protektahan ng estado ang mga kabataan gayundin ang kanilang kagalingan. Inaatasan din nito ang estado na magbigay ng kaaya-ayang kapaligiran para sa full development ng potensyal ng mga kabataan.

Batid natin na ang nakararaming kabataan ay kinakailangang sumailalim sa internship para sa kanilang hands-on at on-the job training bilang pagtalima sa kanilang educational requirement. Ang mga pagsasanay na ito ay nagbibigay ng kasanayan sa totoong buhay para sa mga inaasahang miyembro ng lakas-paggawa, karanasang maghahahanda sa kanila para sa reyalidad ng pagtatrabaho at makatutulong sa pagkamit ng mahahalagang kasanayan.

Ang lahat ay nagbi-benepisyo sa isang internship program sapagkat ito ay naka-disenyo upang maging kapaki-pakinabang para sa magkabilang partidong sangkot gaya ng higher education institutions, mga kumpanya at industriya at mga estu­dyanteng sumasailalim sa pagsasanay.

Layunin ng panukalang batas na maprotektahan ang mga interns mula sa pananamantala kasabay ng pagtiyak sa kanilang kaligtasan; maipagtanggol sa anumang uri ng pang-aabuso sa pinagtatrabahuang lugar gaya ng mental, sikolohikal at sexual harassments sa pamamagitan ng pagpapalawak ng ­proteksyon sa kanila na karaniwan lamang ibinibigay sa mga manggagawa at empleyado.

Hangad din nating proteksyonan sila mula sa mapang-abuso at walang kaugnayan na mga takdang gawain dahil ang dapat lamang nilang ginagawa ay kung ano ang nakalagay sa kanilang internship contract at kailangang malinaw na sinusunod ang nakasaad sa internship plan; at bigyang proteksiyon laban sa financial at economic abuse sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang kompensasyon na katumbas ng 70% nang sahod na tinatanggap ng isang regular na kawani.

Naniniwala tayo na kailangang alagaan at proteksiyonan ang ating kabataan, siguruhin ang kanilang kapakanan at itaguyod ang kanilang pag-unlad upang magkaroon sila ng isang progresibo at masaganang hinaharap.

Dapat nating ibigay sa mga kabataan ang wasto, kahulilip na pag-aaral at may kaugnayang karanasan upang mapakinabangan ang kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng ating ekonomiya at pagpapabuti ng ating panlipunang kalagayan o katiwasayan.

Read More

LEGAL AID PROGRAM SINANG-AYUNAN NG GRUPO NG MGA ABUGADO; REP. NOGRALES SUPORTADO

UMANI ng suporta sa lahat ng legal groups ang panukala ni Rizal Rep. Fidel Nograles na magkaroon ng komprehensibong legal aid program sa lahat ng law schools upang matulungan ang mahihirap na mamamayan na may problemang legal.

Sa pagdinig ng House committee on justice sa House Bill (HB) 2993 o Legal Aid Program Act of 2019 na inakda ni Nograles, nais nitong magkaroon ng “Legal Aid Clinic” sa lahat ng law schools, hindi lamang sa private schools kundi lalo na sa State Universities and Colleges (SUCs).

“Kailangan nating tulungan ang PAO (Public Attorney’s Office) dahil sa kakulangan ng mga abogado kaya layunin ng Kongreso na maglaan ng pondo para rito sa paaralan ng abogasya o law schools upang mapondohan ‘yung legal aid clinics,” ani Nograles.

Ayon pa kay Nograles, malaki ang maitutulong ng legal aid sa bawat law school para mabigyan ng serbisyong legal ang mga tao na walang kakayahang kumuha ng abogado.

Positibo naman itong tinanggap ng iba’t ibang legal group tulad ng Integrated Bar of the Philippines na kinatawan ni IBP national president Domingo “Egon” Cayosa at PAO Chief Persida Acosta at maging ng Department of Justice.

Kasama rin sa mga sumuporta sa nasabing panukala sina Atty. Emerson Aquende ng Legal Education Board (LEB), Atty. Edgardo Carlo Vistan ng University of the Philippines (UP) at iba pang grupo.

“First I would like to thank Honorable Nograles for his bill, for he heard the voices not just from marginalized sector but for students,” ayon naman kay LEB Commissioner Josefe Sorrera-Ty.

Bukod kasi aniya sa matutulungan ang mahihirap ay matutulungan din ang law students para lalo pang mahasa ang mga ito sa propesyon na kanilang patutunguhan.

Ikinatuwa ni Nograles ang inaning suporta sa kanyang panukala subalit hindi niya ito labis na ikinagulat dahil panahon na aniya para maalalayan ang mandato ng Saligang Batas na tulungan ang marginalized na mga taong nangangailangan ng abogado dahil aniya napakamahal ngayon ang kumuha ng serbisyo publiko.

“’Yung PAO naman po hindi laging available at kulang sa serbisyo na ibinibigay,” ani Nograles kaya dapat aniyang matulungan ang nasabing ahensya at malaki ang maitutulong dito ng law students.

Sa ngayon aniya ay walang legal aid clinics lalo na sa SUCs dahil sa kakulangan ng pondo kaya gagamitin umano ng Kongreso ang kanyang ‘power of the purse’ para mapondohan ang pagkakaroon ng legal aid clinics sa law schools.

Tanging papel ng mga law student ay mag-research at gumawa ng mga dokumento na kailangan sa korte at ang magiging litigants ay ang mga practicing lawyer na nagsisilbing supervisors ng mga ito.

Read More