2020 OLYMPICS TARGET NI BARBOSA

(NI LOUIS AQUINO)

MAKARAANG makuha ang inaasam na gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games men’s -54 kg (fin) category, target naman ngayon ng taekwondo jin na si Kurt Bryan Barbosa ang 2020 Tokyo Olympics.

Sinabi ni Barbosa, hindi pa siya satisfied sa gold medal win sa 2019 SEA Games.
“Di pa masarap kasi di pa ako nakakapunta sa Olympics na talagang gustong gusto ko po,” aniya.

Kaya naman ngayon pa lang ay naghahanda na siya sa sunod na tournament niya, ang 2019 World Taekwondo Grand Slam Champions Series sa Wuxi, China ngayon din Disyembre.

“Yung goal ko, goal namin sa Philippine taekwondo, Olympics talaga.”

Sa kabila nito, labis naman umano siyang nag-enjoy sa SEAG stint niya lalo’t nakuha naman niya ang kanyang pakay.

“Sobrang daming gold sa SEA Games,” masayang sabi ng 20-anyos na si Barbosa, na tubong Bangued, Abra.

“Almost three months din akong hindi umuuwi. Pero nandito yung family ko, nanood,” pagmamalaki ng ngayon pa lang sumabak na biennial meet na taekwondo jin.

Kaya naman lalong na-inspire si Barbosa at hindi binigo ang kanyang pamilya at ang bansa nang kanyang talunin ang nakalabang si Reinaldy Atmanegara ng Indonesia, 26-10, para sa gold medal win sa men’s -54 kg (fin) category.

Read More

P850,000 HALAGA NG SEAG GOLD IBIBIGAY NI PDU30

(NI LOUIS AQUINO)

TIYAK na masaya ang Pasko ng lahat ng Filipino medalists sa 30th Southeast Asian Games.

Ito’y matapos ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay siya ng karagdagang cash incentives sa lahat ng miyembro ng Team Philippines na nanalo ng medalya sa naturang kada dalawang taong regional meet.

Ayon kay Duterte, magbibigay siya ng extra P250,000 sa lahat ng nanalo ng gold, P150,000 para sa silver, at P100,000 para sa bronze medallists.

Magaganap ang ‘awarding of incentives’ sa Disyembre 18, bilang pasasalamat na rin ng Pangulo sa mga atletang Pinoy na tumulong parang maging overall champion muli ang bansa sa SEAG.

Huling nakuha ng Pilipinas ang pangkalahatang kampeonato noong i-host nito ang 2005 edition ng biennial meet.

Ang financial reward mula sa Pangulo ay bukod pa sa cash incentives sa ilalim ng Republic Act 10699 o mas kilala bilang National Athletes and Coaches Benefit and Incentives Act.

Sa Ilalim ng batas, ang mga nakakuha ng  gold medal sa SEAG ay makatatanggap ng P300,000,  P150,000 sa silver, habang P60,000 sa bronze winners.

Maliban sa mga nabanggit, nangako rin si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino na tatapan niya ang P300,000 financial reward na ibibigay ng gobyerno sa gold winners at lahat ng nakapagambag ng medalya sa kampanya ng bansa upang maging overall champ muli ng SEA Games.

Read More

GYMNAST DELA PISA, PUMITAS NG GINTO

(NI VT ROMANO/PHOTO BY MJ ROMERO)

NAGPAKITANG-GILAS naman si Daniela dela Pisa nang angkinin ang ginto sa hoop event ng rhythmic gymnastics sa Rizal Memorial Coliseum.

Pumangalawa sa qualifying noong Biyernes, ibinuhos ng 16-anyos na prodigy mula sa Cebu ang kanyang husay tungo sa maituturing na historic gold ng Pilipinas sa nasabing event.

Nagtala ni Dela Pisa ng total score na 17.750. Umiskor siya ng 11.400 (difficulty) at 6.350 (execution), para talunin si Malaysian Izzah Amzan na nakaloketa ng total score na 16.500.

Nakuha naman ni Amy Kwan ng Malaysia ang bronze medal (15.900).

Si Dela Pisa ay silver medalist sa 2019 Singapore Open at nanguna rin sa 3rd Royal Open sa Greece.

Read More

1 PANG GINTO SA JUDO

(NI ZIA JINGCO)

NADEPENSAHAN ni Mariya Takahashi ang kanyang Southeast Asian Games judo title sa women’s -70kg event kahapon sa Laus Convention Center.

Dahil sa round-robin form, kahit natalo si Takahashi sa unang laban kay Gusti Kakihara ng Indonesia, nakabawi naman siya kontra kay Surattana Thongsri ng Thailand para hablutin ang pangatlong gintong medalya ng bansa sa judo.

Ang 18-year-old judoka ang tanging Philippine judo member na naka-ginto sa ika-anim na araw na biennial meet matapos mabigo sa kanya-kanyang event ang iba pang gold medal hopefuls na sina Ryoko Salinas, Shin Matsumura, John Ferrer at Carl Aseneta, na nagkasya sa bronze finishes  sa repechage.

Maliban kay Takahashi,  naka-gold din sina Philippine Tokyo 2020 Olympics hopeful Kiyomi Watanabe at Shugen Nakano noong Huwebes.

Read More

GINTO NAKAMIT NI CARLOS YULO SA SEA GAMES GYMNASTICS

HINDI binigo ni World champion Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo ang sambayanang Filipino nang makuha ang gold medal sa individual all-around event sa men’s artistic gymnastics, ngayong Linggo sa Rizal Memorial Coliseum.

Ipinakita ni Yulo na walang tatalo sa kanya sa ipinakitang gilas sa floor exercise, ang paborito nitong event. Si Yulo na kuwalipikado sa 2020 Tokyo Olympics sa pamamagitan ng World Championships sa Stuttgart noong Oktubre ay kumpiyansa sa lakas at tikas na ipinakita sa manonood ng Sea games.

Binigyan siya ng mga hurado ng iskor na 14.650 bago pa man sa pommel horse na pumangatlo sa iskor na 13.600. Sa rings ay nakakuha rin ito ng iskor na 13.600.

Si Yuklo ay nakaiskor ng 14.55 sa vault, 14.4 sa parallel bars, at 13.75 sa horizontal bars. (PHOTO BY MJ ROMERO)

 

Read More

8 GOLDS SISIKWATIN NG PHL SKATEBOARDING TEAM SA SEAG

PINANINDIGAN ng Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines ang nauna nilang pahayag na wawalisin nila ang walong ginto sa 30th Southeast Asian Games.

“Yes, we’re looking at sweeping all of our eight events in the SEA Games,” sabi ng presidente nitong si Monty Mendigoria.

Paliwanag niya, “I am confident of my projection because when we decided on what events to play, I was told by (Philippine Olympic Committee president) Cong. Bambol (Tolentino) to put in those where we can surely win the gold medal.”

Target umano ng grupo nila na maging ‘most bemadalled federation’ sa darating na biennial meet sa darating na November 30 hanggang December 11.

“And I can say that we are unbeatable in all of the events that we have included,” pagmamalaki pa ni Mendigoria.

Kinokonsiderang ‘powerhouse’ sa buong rehiyon ang Filipino skateboarders sa pangunguna ni Margielyn Didal, ang kasalukuyang kampeon sa women’s street event sa Asian Games, kasama sina Christiana Means, Jericho “Kiko” Francisco at iba pang magagaling na Filipino-foreign athletes mula Europe at United States.

Maliban sa mga nabanggit, hindi na pinangalanan muna ni Mendigoria ang iba pang miyembro ng national team upang hindi umano ma-scout ng ibang mga bansa gaya ng Thailand at Malaysia.

“We are very optimistic,” dagdag nito kasabay ang paninigurong pawang world-class ang mga isasabak nila.

Kaugnay nito, pinasalamantan niya ang all-out support ng Philippine Sports Commission (PSC) sa kanilang grupo.

“The PSC and chairman William Ramirez are behind us 150 percent. Although there are some delays, they still make sure to provide everything we need as far as our training and preparations for the Southeast Asian Games are concerned.”

“That’s why we are working hard. We want to repay the trust of the PSC and our private sponsors by coming up with a victorious performance in the upcoming SEA Games,” sabi pa ni Mendigoria.

Read More

GYMNAST YULO, GINTO SA WORLD CHAMPIONSHIP

(NI VT ROMANO, Saksi Ngayon, Sports Editor)

TOTOO sa kanyang pangako. Sinikwat ni Carlos ‘Caloy’ Edriel Yulo ang gintong medalya sa men’s floor exercise ng 49th Artistic Gymnastics World Championships, Sabado ng gabi sa Stuttgart, Germany,

Ang 19-anyos na Pinoy gymnast ay naging world champion matapos umiskor ng 15.300 sa floor apparatus final, ang kanyang paboritong event.

Una nang nanalo ng bronze medal si Yulo sa nasabing event noong nakaraang taong edisyon sa Doha, Qatar.

Si Yulo ay lumikha ng ingay nitong linggo lang matapos maging ikalawang Pinoy athlete na nakakuha ng spot para sumabak sa 2020 Tokyo Olympics, kasunod ni pole vaulter EJ Obiena.

Tumapos din si Yulo na pang-sampu sa all-around event ng competition.

Si Artem Dolgopyat ng Israel ang pumangalawa para sa silver medal (15.200) at si Xiao Ruteng ng China ang third placer (14.933).

Read More